Presyo ng local palay bumagsak; pagbuhos ng imported rice sinisisi | ABS-CBN

Featured:
|

ADVERTISEMENT

Featured:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Presyo ng local palay bumagsak; pagbuhos ng imported rice sinisisi

Presyo ng local palay bumagsak; pagbuhos ng imported rice sinisisi

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 23, 2021 11:36 AM PHT

Clipboard

Pagtutuyo ng palay ng magsasaka sa Tanay, Rizal noong 2018. Maria Tan, ABS-CBN News/File
Pagtutuyo ng palay ng magsasaka sa Tanay, Rizal noong 2018. Maria Tan, ABS-CBN News/File

Bagsak-presyo ang bentahan ng palay sa ilang probinsiya - bagay na itinuturo ng mga grupo sa marami at murang imported na bigas.

Sa monitoring ng Samahang Industriya ng Agrikultura (sinag) , nasa P14 pesos kada kilo ang bagong aning palay sa region 1, P13.50 kada kilo naman sa region 2, at P10 kada kilo sa Mindoro.

Pawang mababa ito kumpara sa production cost o ginagastos ng mga magsasaka sa pagtatanim hanggang sa pag-ani ng palay na P15.50 kada kilo.

Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, dapat hindi bababa sa P17 kada kilo ang bagong aning palay at hindi bababa sa P20 kada kilo ang tuyong palay.

ADVERTISEMENT

"Ang fresh harvest dapat ibenta ng P17 para kumita sila ng P1.50/kilo. Kung ang ani nila is 4 tons, ang mangyayari niyan is 4 tons times 4,000 kilos times P1.50. May P6,000 sila sa isang ektarya kung ang presyo is fresh harvest sa P17. Ngayon P14 yung fresh harvest so lugi talaga sila," ani So.

Sa tala ng Philippine Statistics Authority o PSA, mababa ang farmgate price ng palay noong 2020 kumpara noong mga nakaraang taon.

Ayon kay Federation of Free Farmers National Manager Raul Montemayor, isang rason na bagsak presyo ang palay ngayon ay dahil sa madami at napakamurang imported na bigas.

Hindi rin aniya nakatulong ang Rice Tariffication Law na ang pangako ay mas malaking kita para sa mga magsasaka at mas murang bigas para sa mga konsyumer.

Bagkus, ay patuloy lang na bumababa ang presyo ng imported na bigas.

ADVERTISEMENT

"Malaki ang ibinagsak ng presyo ng imported rice from July to August so i think this is creating added pressure on palay prices. Nakikita ng mga local traders, sasabihin nila, ‘yan na naman yung murang imports, kailangan bumili tayo nang mura kasi pag dumagsa na naman yung murang imports na yan pagdating ng Sept to November eh malulugi na naman tayo," ani Montemayor.

Ang problema, hindi ramdam ng mga mamimili ang pagmura ng presyo ng imported at local na bigas sa merkado.

Sa monitoring ng Department of Agriculture, nasa P45 hanggang P50 pa rin ang kada kilo ng imported na bigas.

Nasa P38 hanggang P50 naman ang local na bigas. Halos walang pinagkaiba sa presyo ng local na bigas noong Setyembre ng 2019 at 2020 base sa PSA.

Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes na may mga negosyanteng nagsasamantala.

ADVERTISEMENT

"Yung iba malaki ang patong. Ang ibig sabihin mura naman ang bili nila, masyadong malaki ang patong. Sa retailer kasi yung bayad nila sa pwesto, tao, handling. Makakatipid, mas mura pag diretktang bumili sa farmers or cooperatives," ani Reyes.

Ayon naman kay Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan, nakikiusap sila sa mga lokal na pamahalaan na gayahin ang ginagawa ng ibang LGU na binibili ang palay ng mga magsasaka sa tamang presyo na ipapamigay sa mga ayuda.

"Binibili po nila yung local na produksyon ng kanilang constituent nang tamang presyo, ito po’y kanilang pinagigiling para magkaroon ng high value at pangatlo ito po ang pinamamahagi ng mga ayuda nila sa mga naka quarantine na lugar," ani Cayanan.

Sinabi rin ni Cayanan na sisiguruhin nilang walang papasok na imported na bigas ngayong harvest season simula ngayong Setyembre.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Kaugnay na video:

Watch more in iWantv or TFC.tv

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.