Papasok na ang planting season ng palay para sa inaasahang anihan sa Setyembre at Oktubre.
Pero ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) ay marami sa mga magsasaka ang nag-aalinlangan dahil sa pagtaas ng presyo ng abono at langis para sa irigasyon.
"From P850 per bag nung October 2020, ngayong itong May nasa P1,050 na per bag," sabi ni Sinag Chairman Rosendo So.
"They need the oil, langis para makakuha ng tubig," dagdag niya.
Dahil dito, tumaas nang P2 ang kada kilo ng palay.
Pero kahit tumaas umano ang production cost, hindi makakapagbenta nang mas mahal ang mga magsasaka dahil sa pagbaba sa taripa ng bigas sa mga bansa sa labas ng Association of Southeast Asian Nations sa 35 porsiyento mula 40 porsiyento at 50 porsiyento.
"Hindi na bibili ng mataas ng palay ang rice miller kasi nasunog na sila dati," ani So.
"So ang bili sa mga magsasaka, ang tingin lang, nasa P15 na palay... malulugi 'yong farmers nang P2 per kilo," paliwanag ni So.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), hindi naman agad mararamdaman ang epekto nito sa mga konsumer.
Ipinaliwanag din ni Agriculture Secretary William Dar na namimigay naman ang ahensiya ng abono sa mga magsasaka.
"You can see the impact of that maybe in the future but not now. That’s where we are also giving some ayuda, 'yong fertilizer," ani Dar.
Hiling naman ng Sinag sa gobyerno na bilhin nito ang palay direkta sa mga magsasaka sa halagang P17.90 hanggang P19 kada kilo para may kitain pa rin sila.
Pero hindi umano ito magagawa ng DA.
"NFA (National Food Authority) can only buy so much for the buffer stocking. We are not buying," ani Dar.
Samantala, hinala ng Federation of Free Farmers na kaya ibinaba ang taripa sa bigas na pabor sa mga bansa gaya ng Pakistan, China at India ay hindi para tulungan ang mga konsumer kundi para mapabilis ang bilateral trade talks o kalakaran sa pagitan ng India at Pilipinas.
"They are trying to encourage investments from India and of course when you try to encourage them to come in, you also have to offer some kind of incentive," sabi ni Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers.
Mariin namang pinabulaanan ng DA ang hinala.
"Para ma-maintain natin ang preyo ng bigas, alam natin tumataas ang global prices so you need to broaden your market sources," ani Dar.
Sa isang mensahe, sinabi rin naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na hindi ang kalakalan ang rason ng pagbaba ng taripa sa bigas kundi ang mismong mga konsumer.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, agrikultura, bigas, magsasaka, rice farmers, Samahang Industriya ng Agrikultura, production cost, Department of Agriculture, Federation of Free Farmers, TV Patrol, April Rafales, TV Patrol Top