'NFA rice dapat pang dagdagan sa palengke para presyo ng commercial rice bumaba' | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'NFA rice dapat pang dagdagan sa palengke para presyo ng commercial rice bumaba'

'NFA rice dapat pang dagdagan sa palengke para presyo ng commercial rice bumaba'

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Iminungkahi ng grupo ng mga rice retailer ang pagdagdag sa suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa mga palengke para bumaba ang presyo ng commercial rice.

Hindi pa rin kasi bumababa ang presyo ng commercial rice sa mga pamilihan sa kabila ng pagbuhos ng suplay ng NFA rice.

"Immediate solution talaga, kailangan magpasok talaga 'yong gobyerno ng mas marami, na mababa talaga, ma-pull down ng government rice 'yong commercial rice," ani Grain Retailers Confederation of the Philippines President James Magbanua.

Ayon pa kila Magbanua, ilan sa mga dahilan ng pananatili ng presyo ng commercial rice ay ang late na pagdating ng inangkat na bigas at pagtaas ng demurrage ng Bureau of Customs o iyong singil sa barko kapag nabigo itong magdiskarge ng laman sa loob ng napagkasunduang panahon.

ADVERTISEMENT

Para naman sa grupo ng mga rice miller, dapat mas mababa na ang presyo ng commercial rice dahil nagtapyas na sila ng P150 kada sako.

Posible raw na naipit ang mga retailer na namuhunan noong mahal ang suplay o hindi na muna ibinaba ang presyo dahil marami pa ring bumili kahit mahal.

"Kaya hindi rin nila ibinababa ay baka iniisip nila ay meron pa namang bumibili eh, so ba't ko ibababa?" ani Joji Co, pangulo ng Philippine Confederation of Grains Association.

Kaniya-kaniyang diskarte naman ang mga mamimili sa pagbili ng bigas.

Para makatipid, pinaghahalo ni Lenie Cuajao ang isang kilong NFA rice sa commercial rice na nabibili niya sa halagang P56.

May ilan namang mamimili gaya ni Ace Makiramdam na mas pinipiling commercial rice lang ang bilhin.

Nasa P47 ang binibiling commercial rice ni Makiramdam.

"Mas masarap pa rin 'yon compared sa NFA," ani Makiramdam.

Ayon sa ilang tindera, tinaasan pa raw ng kanilang supplier ang ilang uri ng bigas pero ang isang klase naman ay nabawasan ng P30 kada sako.

Wala naman daw galaw ang presyo nila.

"Mataas pa rin po, hindi pa rin bumaba nang todo-todo," anang tindera ng bigas na si Lolit Lopez.

"Wala pang bumababa ngayon, hindi pa bumababa, iyon nga ang hinihintay namin eh," sabi naman ng tinderang si Emma Babao.

Bukod sa palengke, inaayos na rin ang sistema para maibenta rin ang NFA rice sa mga supermarket sa halagang P27.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.