Bangus, taas-presyo sa ilang palengke; BFAR: 'sapat' ang suplay

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2018 08:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumaas ng P20 ang presyo ng kada kilo ng bangus sa ilang pamilihan, na isinisisi ng mga tindero sa kakulangan ng suplay ng naturang isda. 

Sa pag-iikot sa Mega Q-Mart, Quezon City, natuklasang nasa P150 hanggang P160 na ang presyo ng kada kilo ng bangus mula sa dating P130 hanggang P140.

Ayon sa mga tindero, kaunti na lang ang suplay ng bangus ngayon.

"Noong nakaraang buwan, sunod-sunod po 'yong bagyo kaya 'di po maiwasan na 'yong mga ibang fishpen, nagkalugi-lugi na sila," ani Erwin Dagami, tindero ng bangus.

Pero pinabulaanan ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Director Eduardo Gongona na may kakulangan sa suplay ng bangus.

Ayon kay Gongona, kahit nangyari ang pagkamatay ng libo-libong bangus dahil sa mga pag-uulan, may iba pa ring lugar na mapagkukuhanan ng bangus.

"Kahit na nagkaroon ng fish kill in two areas gaya ng Anda and 'yong sudden flash flood sa Bulacan, mayroon tayong pagkukuhanan niyan. Batangas, Iloilo," ani Gongona.

Ayon kay Gongona, kaya raw tumaas ang presyo ng bangus ay dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng galunggong.

"Nagiging determinant na kasi ng price of fish in the market iyong galunggong," aniya. "Kung magkulang siya ng supply, tataas 'yong presyo ng bangus saka tilapia."

Samantala, inaasahang dadating na ngayong Setyembre sa merkado ang mga inangkat na galunggong.

Base naman sa pag-iikot sa Mega Q-Mart, bumaba sa P100 hanggang P120 ang presyo ng galunggong kumpara sa P140 hanggang P160 noong mga nakaraang araw.

Marami na raw kasing suplay ang dumating kamakailan pero nilinaw ng mga tindero sa palengke na hindi pa ito ang inangkat ng gobyerno.

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.