Presyo ng galunggong patuloy ang pagtaas; DA payag na mag-import

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2018 06:54 PM | Updated as of Dec 12 2019 07:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng galunggong dahil sa kakulangan ng suplay kaya napagdesisyunan ng pamahalaan na mag-import nito na dederetso naman sa mga palengke.

Pinirmahan na nitong Huwebes ni Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol ang certificate of necessity o ang pahintulot na mag-angkat ng galunggong simula Setyembre hanggang huling araw ng Disyembre.

Ayon kasi sa mga nakausap na fish broker ng ABS-CBN News, galunggong ang pinakanagmahal sa hanay ng mga isda sa merkado.

"Mataas ang presyo ng GG (galunggong). Malakas kasi ang habagat, walang mahuli kaya ganu'n ang labanan," paliwanag ni Obet Reyes.

Sa Navotas fish port, P6,000 kada banyera ang presyo ng galunggong, na may bigat na 45 kilo, o pumapatak na P130 hanggang P135 kada kilong puhunan. 

Ang itinalagang suggested retail price (SRP) ng DA sa galunggong ay nasa P140 kada kilo pero lumalagpas na dito ang ilang palengke.

Presyo ng galunggong sa mga palengke: 

  • Mega Q-Mart → P150/kilo
  • Balintawak → P140/kilo 
  • Pasig Mega Market → P160/kilo 

Ayon kasi sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), simula na ang "lean months" kaya manipis na ang suplay ng mga isda bunsod ng masamang panahon. 

"During lean months kasi, 'yung weather condition natin is not favorable, maulan, may habagat, may bagyo [so] talagang kulang ang supply. Eh ngayon nagsimula na tayo ng lean months," ani BFAR Undersecretary Eduardo Gongona.

Paalala naman ng DA, hanggang 17,000 metric tons lang ang maaaring i-import na dapat dalhin deretso sa wet markets.  —Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.