Presyong P7-P11 kada kilo ng palay sa Nueva Ecija idinaing | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Presyong P7-P11 kada kilo ng palay sa Nueva Ecija idinaing

Presyong P7-P11 kada kilo ng palay sa Nueva Ecija idinaing

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Idinaing ng mga magsasaka sa Nueva Ecija ang pagbagsak ng presyo ng palay at ang umano ay hindi sapat na ayudang ibinigay ng Department of Agriculture (DA).

Lumagapak sa P7 hanggang P11 ang presyo ng kada kilo ng palay mula P17 hanggang P20 noong 2018, ayon sa magsasakang si Ruben Turdil.

Sinabi ni Turdil na ngayon lang niya naranasan ang ganoong pagbagsak ng presyo sa 4 na dekada niyang pagsasaka.

"Maari baka next month wala na kaming maisasaing dahil naibayad na namin sa mga utang," ani Turdil.

ADVERTISEMENT

Mula P40,000, tumaas sa P45,000 ang puhunan kada ektarya ng mga magsasaka dahil sa pagmahal ng binhi, pesticide at iba pang materyales.

Subalit wala pa sa P8,000 umano ang kita ng mga magsasaka.

Ayon sa mga magsasaka, bumagsak ang presyo ng palay dahil sa pagbuhos ng inangkat na bigas sa merkado bunsod ng rice tariffication law.

Nagpasalamat naman ang mga magsasaka sa pinansiyal na tulong na ipinamahagi sa kanila ngayong Lunes ng Department of Agriculture (DA).

Pero hindi raw ito ang solusyong hinahanap ng mga magsasaka.

"Malaki puhunan namin sa pagsasaka. Hindi sagot 'yong P15,000 na 'yan, babayaran din namin 'yan," anang magsasakang si Lyn Macaraig.

Nasa P15,000 pautang ang ipinamahagi ng DA sa 1,000 magsasaka ng Nueva Ecija. Zero interest ito at babayaran sa loob ng 8 taon.

Sa Pangasinan, nagpautang din ang DA ng P15,000 sa isang kooperatiba ng mga magsasaka. Namigay din ng ilang gamit pansaka gaya ng water pump.

Subalit gaya sa Nueva Ecija, panawagan din ng kooperatiba ang pagbabalik sa dating P20 hanggang P25 na presyo ng kada kilo ng palay.

Sinabi ng DA na ginagawan na nila ito ng paraan.

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero ang batas sa rice tariffication, na nagtatanggal ng limitasyon sa pag-angkat ng bigas kasabay naman ng pagpapataw ng taripa sa imported rice.-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.