PatrolPH

Ayuda sa mga magsasaka inihirit dahil sa 'bagsak-presyong' bilihan ng palay

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2019 05:42 PM | Updated as of Aug 31 2019 08:01 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Humihingi ng cash assistance sa pamahalaan ang mga magsasaka sa gitna ng pagsadsad ng presyo ng palay dahil umano sa rice tariffication law.

Sa ilalim ng batas, wala nang limit ang pag-aangkat ng bigas dahilan para magbagsak-presyo ang mga imported rice.

Bunsod nito, napipilitang magbaba ng presyo ang mga retailer ng bigas sa bansa.

Ayon sa grupong National Movement for Food Sovereignty, nasa P1 hanggang P2 lang ang binaba ng presyo ng bigas sa mga palengke.

Mas kaunti pa ito sa P7 bawas na ipinangako ng mga mambabatas.

Hiling ng group na magkaroon ng P20,000 ayuda kada magsasaka para mayroon silang pantawid-gutom.

"Napakataas po ng cost of production namin tapos malulugi lang kami dahil sa presyo ng palay," ani Arze Gilpo, convenor ng National Movement for Food Sovereignty.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) spokesperson Noel Reyes, sisiguruhin nilang mabibigay sa mga magsasaka ang ipinangakong P10 bilyong pondo na tulong sa kanila.

Nakiusap din ang DA sa mga magsasaka at mga konsumer na bigyan ng pagkakataon ang rice tariffication law, lalo't para naman umano ito sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa bansa.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.