Namimili ng karne ang ilang mamimili sa Bagong Silang Market sa Caloocan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
Muling tumaas ang presyo ng karne ng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Noong nakaraang linggo, bumaba ng hanggang P180 per kilo ang presyo nito.
Sa Kamuning Market, pumapalo na ulit sa P220 ang kada kilo ng karne ng manok.
Ayon sa mga nagtitinda, napansin nilang kumokonti ang suplay ng ilang mga supplier.
“Kaya bumaba noon, dahil maraming stocks. Ngayon konti na naman. Minsan may deliver sila, minsan wala. Dapat everyday pero ang nangyayari madalas wala silang deliver,” ayon kay Carmencita Ola na nagtitinda ng karne ng manok.
Ayon kay Atty. Elias Inciong, president ng United Broiler Raisers Association, nagtipid sa konsumo sa karne ang publiko sa mga nakaraang linggo para paghandaan ang gastos sa pasukan.
Pero bumalik na ang demand ngayon kaya muling sumisipa ang presyo ng karne ng manok.
Pero para kay Inciong, hindi pa panahon na patawan ng Suggested Retail Price ang karne ng manok para maiwasan ang overpricing.
“Kung mag-SRP sila sa retail, mag-SRP din sila doon sa gastusin. I-fix nila ‘yong mais, ‘yong soya, i-fix nila across the value chain. Kasi maihrap kung kami lang ang maapketuhan. Kasi ‘pag nag-SRP sa retail, sa amin puputok ‘yan,” ayon kay Inciong.
Wala naman problema sa suplay ng manok ayon sa UBRA dahil nakatulong ang pag-ulan nitong mga nakaraang linggo para mabawasan ang humidity dahil sensitibo sa init ang mga manok.
-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.