PatrolPH

Presyo ng ilang school supplies, uniporme sa Divisoria tumaas

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2022 02:51 PM | Updated as of Aug 03 2022 07:49 PM

Tindahan ng school uniform sa Divisoria, Maynila noong Agosto 2, 2022. Jervis Manahan, ABS-CBN News
Tindahan ng school uniform sa Divisoria, Maynila noong Agosto 2, 2022. Jervis Manahan, ABS-CBN News

Sabik na si Susan Cruz sa pagbabalik-eskuwela ng kaniyang apo kaya nagsukat sila ng mga uniporme kamakailan sa Divisoria, Maynila.

"Para 'di na kami sumama sa mga nagsisiksikan at nagkakagulong mga customer," ani Cruz.

Isang set ng uniporme lang ang nabili ni Cruz mula sa inilaang budget na P500.

Ayon kasi sa mga nagtitinda, nagtaasan ang presyo ng mga uniporme.

"Nagtaas po [ang presyo] kasi nagtaas [din ng presyo ang] supplier namin, 'di namin pwedeng ipresyo sa dati," sabi ng tinderang si Diane Nieva.

Sa ngayon, P130 hanggang P250 ang presyo ng polo at blouse, depende sa laki. Nasa P180 hanggang P280 naman ang pantalon habang P130 hanggang P200 ang palda.

Watch more News on iWantTFC

Nauna nang sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na hindi magiging mahigpit na requirement ang pagsusuot ng uniform sa pasukan.

May bahagya ring pagtaas sa presyo ng ilang school supplies, sabi ng mga nagtitinda.

  • Notebook - P15 kada piraso; P140 kada pack o 10 piraso
  • Lapis - P10 kada piraso; P75 kada dosena
  • Ballpen - P15 kada 2 piraso
  • Crayon - P25 kada box
  • Gunting at glue - P20 kada piraso
  • Yellow pad - P35

Nasa P150 naman pataas ang presyuhan ng lokal na bag at P300 ang imported.

Unti-unti nang dumarami ang namimili ng school supplies sa Divisoria, lalo't papalapit na ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa Agosto 22.

Ayon sa Department of Trade and Industry, walang suggested retail price na itatakda sa school supplies pero may price guide ang ahensiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.