MANYNILA — Isang senador ang humirit sa Malacañang nitong Lunes para bawiin na ang Executive Order No. 133 na nagpababa ng taripa sa imported na baboy mula 20-30 percent tungong 10-25 percent.
Ani Sen. Kiko Pangilinan, hindi naman natupad ang pangako o projection ng EO na bababa ang presyo ng pork sa mga pamilihan sa pagdami ng imported pork sa merkado.
"Mukhang nakalista sa tubig ang pangakong bababa ang presyo ng baboy. Kaya naman sa pagbukas ulit ng Kongreso, ibabalik ko ang panukalang itaas ulit sa original rate ang taripa para sa mga imported na baboy," sabi ni Pangilinan.
Sa datos mula sa Department of Agriculture hanggang Hulyo 9, ang prevailing price ng bawat kilo ng kasim o pork ham ay P340 kada kilo, ang liempo o pork belly ay P380 naman kada kilo.
Ayon kay Pangilinan, mataas pa rin ang presyong ito kumpara sa presyo bago nagkaroon ng African swine fever (ASF) kung saan nasa P240 lang ang bawat kilo ng pork.
Sa pagpapababa ng taripa mula noong Abril, natukoy na lagpas P1.3 bilyon ang nawalang buwis sa gobyerno.
Dahil isang taon itong ibababa batay sa executive order, tinatayang P11.2 bilyon ang buwis na mawawala sa gobyerno.
Ayon kay Pangilinan, malaking halaga ito na magagamit sana sa pagtulong sa local hog industry na tinamaan ng ASF.
—Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, ASF, African swine fever, poultry, hog, pork, karneng baboy, palengke, suggested retail price, SRP, Kiko Pangilinan, Executive Order, taripa, buwis, baboy, Executive Order No. 133, EO 133