PatrolPH

Presyo ng petrolyo muling tataas sa Hulyo 13

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2021 01:04 PM | Updated as of Jul 12 2021 06:22 PM

(UPDATE) Muling magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo simula Martes, Hulyo 13, ayon sa mga oil firm.

Ito ang ika-7 sunod na linggong nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Ayon sa Shell, Cleanfuel, Petro Gazz, Seaoil, Caltex, Total, PTT Philippines, Petron at Phoenix Petroleum, P1.15 ang kanilang dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina at P0.60 naman sa kada litro ng diesel.

Tataasan din ng Shell, Seaoil, Caltex at Petron nang P0.65 ang presyo ng kada litro ng kanilang kerosene.

Epektibo ang mga bagong presyo alas-6 ng umaga maliban sa Caltex na mag-a-adjust alas-12:01 ng hatinggabi at Cleanfuel na magpapalit alas-4:01 ng hapon.

Nauna nang ipinaliwanag ng mga taga-industriya na humina ang palitan ng piso kontra dolyar kaya nagkaroon ng taas-presyo.

Isa ring dahilan ang hindi pagkakasundo ng mga bansang kasapi sa Organization of the Petroleum Exporting Countries o OPEC Plus sa laki ng idaragdag sa produksiyon ng langis. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.