PatrolPH

DA Secretary Dar inireklamo ng agri group sa Ombudsman

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2021 06:34 PM

MAYNILA — Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang isang agriculture group laban kay Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar dahil sa umano'y pagpapasimuno nito sa pagtapyas ng taripa sa imported pork, na siya umanong papatay sa local hog industry.

Nais ding malaman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) kung sino o ano pang mga ahensiya ang umano'y kasabwat ng DA para maibaba ang taripa sa imported meat at maitaas ang minimum access volume.

"'Yung figure nila kinuha lang nila sa internet eh. Hindi nila kinuha sa import price or custom price. Dapat doon nila binase kung magkano ang puhunan ng importer. So kung sino ang nagbigay nito, dapat sampahan din ng kaso kung 'yan ba ay DTI, kung ito ba ay NEDA," sabi sa TeleRadyo ni Sinag chairman Rosendo So.

Dagdag ni So, hindi pa rin sinusuri ng DA hanggang ngayon ang mga frozen na karneng pumapasok sa bansa na labag umano sa Food Safety Act. 

"Up to now, hindi pa rin chine-check ng ating DA ang dumadating na mga kargamento sa ating bansa. Ibig sabihin zero testing pagdating sa ating bansa. Kung makikita natin, parang ang ginagawa is pinapatay ang ating local industry pero ang dumadating from other countries hindi nila sinusuri," giit ni So.

Noong nakaraang linggo ay pormal nang nagpasa ng resolusyon ang Senado at Kongresp para ipabawi kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nilagdaang executive order para sa pinababang taripa sa imported pork.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.