PatrolPH

Kuryente ng 'lifeline consumers' mula Marso hanggang Abril libre: IATF

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 12:56 PM

Gagawing libre ang kuryente ng mga mahihirap na kabahayang kumokonsumo nang mas mababa sa 50 kilowatts per hour na kuryente mula Marso hanggang Abril, anunsiyo ng Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa press briefing ngayong Miyerkoles. 

Sakop dito ang mga tinatawag na "lifeline consumers" o mahihirap na kustomer ng mga electric cooperative sa buong bansa, na makikinabang sa "Pantawid Liwanag" ngayong may banta ng coronavirus disease 2019. 

Ayon kay Cabinet Secretary at IATF spokesperson Karlo Nograles, bukod pa ito sa isang buwang grace period na ibibigay sa kanila sa pagbabayad ng kuryente. 

"Target na tulungan ng Pantawid Liwanag ang 3 milyong mahihirap na consumer ng mga electric cooperative," ani Nograles sa press briefing. 

Tiniyak din ni Nograles na “sobra-sobra” sa ngayon ang energy capacity sa Luzon. 

Sabi aniya ng Department of Energy, nasa 11,795 megawatts ang available na gamitin na malaki sa inaasahang peak demand na 7,323 megawatts sa Luzon. 

Nasa enhanced community quarantine ngayon ang buong Luzon at ilang lugar sa Visayas at Mindanao dala ng banta sa COVID-19 — bagay na nakaapekto sa kinikita ng ilang trabahador, partikular na sa mga mahihirap na pamilya. — Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.