Puhunan ang isa't isa: Mag-asawa, umasenso sa pinukpok na aluminum

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 04:29 PM | Updated as of Sep 14 2018 04:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Puhunan ng mag-asawang Diosdado at Lourdes Reyes ang sipag ng isa't isa sa pagpapayabong ng kanilang negosyong "DongDes Pinukpok Aluminum Kitchenwares."

Dahil hanggang elementarya lang ang antas ng pag-aaral na natapos nila, kinumbinsi ni Lourdes si Diosdado na pumasok sa paggawa ng mga kasangkapang pang-kusina na yari sa aluminyo.

Ito kasi, ayon kay Diosdado, ang karaniwang hanapbuhay sa kanilang lugar sa Floridablanca, Pampanga.

"Di pa ako nasisilang, ganiyan na kabuhayan namin dito, [kahit] noong mga ninuno pa, kaya nang ako'y sinilang at nagkaisip, ganiyan na ang nakita naming kabuhayan dito," ani Diosdado.

Nagbenta ang mag-asawa ng mga alagang biik at sinimulan ang paggawa ng mga yaring-kamay na kasangkapan sa halagang P5,000.

Si Diosdado ang tagapukpok ng aluminyo habang si Lourdes naman ang naglalako at nagbebenta ng mga ito.

Dahil maliit ang puhunan, hindi rin ganoon karami ang nagagawang produkto ni Diosdado.

Umabot pa sa puntong kinailangan makipagsapalaran ni Lourdes sa Maynila at doon itinda ang kanilang mga produkto.

Pero nagbago ang lahat nang abutan sila ng tulong ng isang may-ari ng pabrika.

"Sabi niya, 'Mayroon akong gustong tulungan diyan mag-asawa, masikap, matiyaga, lalo na 'yong lalaki, walang bisyo,'" kuwento ni Lourdes.

"Unang kita daw po sa'min magaan ang loob," ani Lourdes.

Sinagot ng may-ari ng pabrika ang materyales para mas maraming kasangkapan ang malikha ni Diosdado.

Watch more in iWantv or TFC.tv

TULONG SA IBA

Kahit 29 taon na ang nakalilipas, "hands on" o aktibo pa rin sa pagpapatakbo ng negosyo ang mag-asawa.

Si Diosdado ang nangangasiwa sa kanilang mga trabahador habang si Lourdes naman ay kasamang naghahatid ng mga order.

"Siya ang tagagawa, ako ang tagabiyahe, naghahanap ng order, naghahanap ng materyales ... pinagtutulungan talaga naming mag-asawa," ani Lourdes.

Bukod sa kanilang tindahan at mga kliyente, sumasali rin ang mag-asawa sa mga baratilyo tuwing may pista.

Naging daan din ang kanilang negosyo para makatulong sa ibang kapos at hindi nakapagtapos sa pag-aaral.

Malaki ang pasasalamat ng trabahador na si Ronald Mana sa mag-asawa.

"Mayroon ako napagtapos na panganay, 'yong isa kong anak [nasa] Grade 7, tapos nakapagpatayo ako ng maliit na bahay," kuwento ni Mana.

"Lahat kasi kami dito [trabahador] hindi nakapagtapos [kaya] nagpapasalamat ako sa kanila," ani Mana.

Ayon kay Diosdado, wala siyang balak na mamuhunan sa makina dahil mas matibay ang mga kasangkapang yari sa kamay at ayaw niyang isakripisyo ang mga trabahador.

"'Yon po kasi dati kong trabaho, gawang-makina, maninipis 'yon...itong pinukpok, napakatibay, pangmatagalan talaga," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.