Nangangamba ang grupo ng mga magbababoy na lalala pa ang problema sa supply at presyo ng karne hanggang sa susunod na taon.
Ito ay kung ang pagpapatupad lang ng price ceiling ang sagot ng gobyerno habang wala namang solusyon sa African swine fever (ASF).
"Kami sa industriyang naghihingalo, pinatay na nila... kami ang pinarurusahan na kami ang dapat tulungan," ani Pork Producers Federation of the Philippines Inc. Vice President Nicanor Briones.
Hiniling din ng grupo na palitan na si William Dar bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Wala pang tugon si Dar sa panawagan ng sektor.
Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price ceiling sa baboy at manok sa Metro Manila.
Sa ilalim ng Executive Order No. 124, may price cap na P270 ang kada kilo ng kasim and pigue, P300 ang kada kilo ng liempo, at P160 ang kada kilo ng manok. Tatagal ang kautusan nang 2 buwan.
Pero namomroblema ang ilang nagtitinda ng baboy at manok dahil sobrang lugi umano sila sa itinakdang price cap.
Isang araw bago ipatupad ang price ceiling, nagpasya muna ang ilang nagtitinda ng karneng baboy at manok na huwag munang magbukas ng puwesto sa Lunes.
"Dapat hindi kaming mga tindera ang ina-ano nila. Dapat ang mga biyahero at nagsu-supply sa amin. Dapat sila ang pinabababaan," sabi ng tinderang si Carol Lopez.
Para mapunan umano ang kakulangan sa supply ng baboy, sasagutin na ng DA ang pagbiyahe mula sa mga probinsiya pa-Metro Manila.
Noong Sabado, mismong si Agriculture Secretary William Dar ang nanguna sa send off ng higit 100 baboy mula Soccsksargen region papuntang Metro Manila.
Nakikipag-ugnayan na rin daw ang Department of Agriculture (DA) sa mga hog raiser mula Batangas at Iloilo.
Pinag-aaralan na rin ng DA ang pagtakda ng presyo maging sa mga hog raiser at presyo.
"Ginagawa na ang pag-aaral na iyan. Mayroon na kaming initial na datos," ani Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes.
-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, agrikultura, bilihin, price patrol, manok, baboy, price cap, price ceiling, Department of Agriculture, Pork Producers Federation of the Philippines, TV Patrol, Bianca Dava, TV Patrol Top