MAYNILA — Dagsa ngayon ang mga namimili ng kamatis dahil mura ang presyo nito, na pumapalo lamang sa P30 bawat kilo para sa mga malalaking klase nito.
Ayon sa mga mamimili, malaki ang binagsak ng presyo nito mula sa P100 noong nakaraang mga buwan.
Mura ngayon ang kamatis dahil marami ang supply nito, sabi ng mga nagtitinda.
Ang mga binabagsak na malalaking kamatis sa Commonwealth Market ay galing sa Ilocos, ayon sa mga tindera.
Ang mga maliit na kamatis ay naibebenta naman sa P20 bawat kilo.
Nitong Huwebes, sinabi ng Bureau of Plant Industry na walang oversupply ng kamatis sa bansa.
Ito'y kasunod ng viral social media post kung saan kita ang mga kamatis na itinapon basta-basta sa Nueva Vizcaya.
Samantala, nasa P260 pa rin ang kilo ng lokal na pulang sibuyas sa Commonwealth Market.
Pero may mas mura nang pulang sibuyas. Ito iyong mga imported mula sa Taiwan.
Ang malalaking imported na sibuyas ay nasa P180 bawat kilo.
Nasa P140 naman ang kilo ng lokal na puting sibuyas, habang ang mga malalaking pulang sibuyas ay nasa P180 ang kilo depende sa klase nito.
Sa Commonwealth Market, kulang pa umano ang pumapasok na pulang imported na sibuyas kaya medyo mataas pa ang presyo lalo na ng lokal na sibuyas. — Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.