MANILA – Isang tambak ng mga nabubulok na kamatis ang natagpuan kamakailan sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Nag-viral ang mga larawan ng isang katerbang kamatis na natuklasang itinapon lang ng ilang magsasaka sa Barangay Almaguer South.
Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Jose Roberto Dizer na nag-ikot siya sa likod ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) at nakita ang sako-sakong nabubulok na kamatis. Aniya, sa tantiya niya ay ilang araw nang nakalipas mula nang itapon ang mga ito.
Base aniya sa kuwento ng mga magsasaka, may oversupply ng kamatis, pero lumilitaw na hindi sa lalawigan, dahil bagsakan ang Bambang ng kamatis at iba pang gulay mula sa Ifugao at Quirino.
“Yung naitapon po kasi na ‘yun, yun po ay galing na sa agricultural terminal. Nabili na raw po ‘yun. Kaso nga lang, ang problema po ay dumaan na po, na-stock na daw po, mga 2 days,” ani Dizer.
“Maraming kamatis dito sa Nueva Vizcaya, binabagsakan po dito sa Vizcaya, eh. Talagang pagkaka-stock po talaga sa dami nga po,” dagdag pa niya.
“Kung talagang lilibutin po natin ang Vizcaya ngayon, especially sa mga kabundukan, meron at meron ka pong madadananan na nakatambak na kamatis.”
Kinumpirma ng magsasakang si Joemar Sabawil ang oversupply ng kamatis.
Reklamo niya, dahil sa dami ng supply ay mababa ang presyo. Kaya maraming magsasaka ang hindi na lang umaani.
“Sa harvest ko lang po ano, 4 na araw lang po ang nakakalipas, talagang oversupply ang kamatis. Kapag po nagha-harvest kami at nagpunta sa NVAT, sobrang dami po talaga ng nakatambak na kamatis. Kaya mababa na po talaga ang presyo,” kuwento niya.
“Dito po kasi sa amin, meron po kaming sampung harvest ng kamatis po, 10 harvest po siya. So yung 1-6 po siya, okay pa po yan, Class A. Tapos yung 7, 8, 9 na, hanggang 10, medyo Class B or Class C na po siya.' Pag oversupply po, hindi na po nabibili yung Class B tsaka yung Class C,” dagdag niya.
“Yung mga kapitbahay ko po dito, hindi na din po sila nagha-harvest ‘pag 7, 8, 9, 10 kasi hindi na rin po nabebenta. Nabubulok lang po sa NVAT. So sayang po yung trucking po namin, papunta namin doon sa NVAT. So pinapabayaan na lang po namin doon sa bukid.”
Ang sabi pa ni Sabawil, walang taga-Department of Agriculture (DA) na tumutulong na hakutin ang mga kamatis papunta sa mga Kadiwa Center.
Kaya umaapela silang masolusyonan ang problema.
“Yung kagustuhan din po sana naming mga farmer, magkaroon po sana ng, mag-organzie po ang DA ng tinatawag nilang crop programming. Kasi ho para maiwasan po yung oversupply kasi sayang po yung pagod po namin, yung gastos namin."
Nagpaliwanag naman ang general manager ng NVAT sa nakitang tambak na mga nabubulok na kamatis.
“Yung mga Class C o yung mga small, eh halos hindi na nabibili. Eh yung naitapon, yung natulog na ng 2, 3 gabi, sa terminal, hindi pa mabili, mga 80 percent yun sira na. Kaya talagang ang patakaran ng terminal, back to farm,” ani Gilbert Cumila.
“Ang problema, yung naupahan na magliligpit nang maayos, itinapon lang kung saan-saan,” dagdag niya.
--TeleRadyo, 3 February 2023
kamatis, oversupply, tomatoes, tomato prices, presyo ng kamatis, nueva vizcaya, agriculture, agircultural products, regions, regional news