PatrolPH

Kawalan ng trabaho sa bansa nasa 'second wave' na: employers' group

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2021 07:22 PM

Watch more on iWantTFC

Hanggang kalagitnaan na lang ng Marso ang nasa 2,300 empleyado ng Philippine Airlines (PAL) dahil sa malawakang sibakan o retrenchment. 

Mahirap at masakit ang naging pagdedesisyon, ayon kay PAL President Gilbert Santa Maria, pero tiniyak ng kompanya na aalalayan nito ang mga sapul ng retrenchment.

Ayon sa PAL, ginawa nila ang lahat para maitawid ang krisis pero dahil kaunti pa rin ang bumibiyahe at kaliwa't kanan ang travel restrictions, 30 porsiyento lang ang kanilang operasyon.

Aminado naman si Labor Secretary Silvestre Bello III na matagal nang dumadaing ang PAL pero nakiusap ding bawasan sana ng kompanya ang bilang ng mga empleyadong mawawalan ng trabaho.

"In fairness, talagang they tried their best... Baka makikiusap kami na baka mabawasan naman 'yong number of employees to be retrenched," ani Bello.

Ayon kay Bello, nag-abiso na rin ang ilang kompanya ng pagtanggal ng mga manggagawa, temporary closure o pagsasara.

Tingin ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), ito na ang second wave ng unemployment sa bansa dulot ng COVID-19 pandemic.

Marami pa ang magsasara kung panay lockdown lang ang solusyon sa problema at nagbabanggaan pa ang mga polisiya.

"'Yong second wave ng unemployment ang grabe. Nakikita ko 'yong mga listahan na di ko alam kung opisyal or what, 'yong mga ibinebentang kompanya, 'yong mga kompanyang nagbabalak magsara, nakakatakot," ani ECOP President Sergio Ortiz-Luis.

Suportado naman ni Bello ang rekomendasyong luwagan na ang quarantine category, lalo sa Metro Manila.

Ayon sa National Economic and Development Authority, P700 milyon ang nawawalang kita sa mga manggagawa kada araw sa mga lugar na nananatili sa general community quarantine.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.