Mga maliliit na negosyo sa NCR umaaray pa rin sa epekto ng pandemya | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga maliliit na negosyo sa NCR umaaray pa rin sa epekto ng pandemya

Mga maliliit na negosyo sa NCR umaaray pa rin sa epekto ng pandemya

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Umaaray ang ilang maliliit na negosyo sa Metro Manila dahil sa epekto ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic sa kanilang mga kabuhayan.

Kamakailan, sinabing mananatili sa general community quarantine ang Metro Manila - na ikatlo sa 4 quarantine classifications na inilatag ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Kahit pa maituturing na maluwag-luwag ang restrictions sa GCQ, may ilang nagbebenta na ramdam pa rin ang epekto ng pandemya gaya ni Rex Domingo, na gumagawa ng sapatos.

"Noong wala pa pandemic ay kahit papaano nakakaraos kasi maraming estudyante na bumibili ng sapatos, nakakaraos. Ngayon mahina. Kung kanina nga alas-5 ako nagbukas, wala pa akong buena mano po eh. Sana matapos na ang pandemya para bumalik na sa normal ang hanapbuhay ng mga tao," ani Domingo.

ADVERTISEMENT

Suspendido pa rin sa ngayon ang face-to-face classes dahil sa COVID-19 pandemic.

Nakaapekto rin ang pandemya sa kinikita ng sari-sari store owner na si Rubilyn Valles.

"Eh kung ano 'yung kita ng tao, 'yun lang pinagkakasya nila, kaya kami na nagtitinda, ganoon din, matumal din, kasi wala naman pera 'yung tao pambili," ani Valles.

Paliwanag ng mga alkalde sa Metro Manila, binibigyang konsiderasyon ang UK variant sa pagpapanatili ng Metro Manila sa GCQ.

"Binibigyan po natin ng precaution 'yung atin pong UK variant. Alam naman po natin na nakapasok na sa bansa natin at kung magluluwag tayo, napakahirap po na magkaroon ng spike lalo na parating na 'yung ating vaccines," paliwanag ni Metro Manila Council (MMC) chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez.

ADVERTISEMENT

Hunyo nang unang isailalim sa GCQ ang Metro Manila matapos itong ilagay sa enhanced community quarantine -- ang pinakamahigpit sa apat na quarantine classifications -- noong Marso.

Itinaas naman sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang buong rehiyon noong unang 2 linggo ng Agosto nang humingi ng "time out" ang mga health frontliner sa pagdami ng kaso ng COVID-19. Pagkatapos, ibinalik na sa GCQ ang Metro Manila at ito na ang naging quarantine classification ng rehiyon hanggang ngayon.

Inimungkahi rin ang pagluwag sana sa modified GCQ at paglabas ng mga menor de edad pero hindi sumang-ayon dito ang mga alkalde at mga eksperto.

"The only way we can diminish the number of (COVID-19) cases is we continue to stop the transmission. Strictly follow the health protocols. There can be a possibility, if we are not able to control this local transmission, chances are we can have our own mutation here," ani infectious disease expert Rontgene Solante.

Pero para kay Olivarez, maaari namang magdagdag ng operational capacity ang mga establisimyento kahit GCQ pa rin.

ADVERTISEMENT

Umaasa naman dito ang ilang may-ari ng mga maliliit na negosyo, gaya ni Elizabeth Arboleda, may-ari ng kainan.

"Talagang magiging masayang-masaya kami kahit na mahal ang bilihin, maa-afford namin para makadagdag ng mga paninda. Okay na siguro 'yun, para at least makabawi-bawi mga tao, kasi masyado nang naging pahirap lahat eh, mag-iingat na lang ho kami," ani Arboleda.

Sinabi naman ng MMC na patuloy nilang ipapatupad ang localized lockdowns.

— Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.