Pagkakasya ng budget sa harap ng mga taas-presyo, problema para sa ilang mamimili | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pagkakasya ng budget sa harap ng mga taas-presyo, problema para sa ilang mamimili

Pagkakasya ng budget sa harap ng mga taas-presyo, problema para sa ilang mamimili

ABS-CBN News

Clipboard

Pahirapan para sa ilang namamalengke kung paano pagkakasyahin ang kanilang budget sa harap ng mga taas-presyo sa mga bilihin sa palengke.

Ang kasambahay na si Maribelle Ramirez, tinanghali sa pamamalengke dahil hirap siyang pagkasiyahin ang budget na ibinigay ng amo para sa ulam.

"Ayun po paisa-isa, na lang po. 'Yung kailangan lang po na panghalo ngayon hanggang mamayang gabi ganon na lang po,” ani Ramirez.

Madalas namang de lata at tuyo ang ulam ng pamilya ng janitress na si Irish Fajardo dahil ubos na ang sahod nila ng kaniyang mister na construction worker.

ADVERTISEMENT

“Dati yung P1,000 puwede sa 2 araw pwede na, ngayon bitin na. Isang araw lang ubos na,” ani Irish.

Hirap din siya kung ano ang bibilhin dahil sabay-sabay na nagtaasan ang presyo ng mga bilihin.

Ang presyo ng liempo sa Kamuning market, P420 na ang kada kilo mula sa dating P400. Ang kasim at pigue, P390 kada kilo mula sa dating P380.

Paliwanag ni National Meat Inspection Service executive director Reildrin Morales, kulang na kulang pa rin ang suplay ng karneng baboy sa Luzon. Pinapakyaw na umano ng traders maging ang supply sa Visayas at Mindanao.

Tumaas naman ng P20 hanggang P50 ang presyo ng ilang gulay gaya ng repolyo, pechay Baguio, talong, lettuce, broccolli, cauliflower at patatas.

Sa isang pamilihan, umabot sa P1,000 ang kada kilo ng siling labuyo.

Tumaas na rin ang presyo ng manok na nasa P180 kada kilo. Paliwanag ng Department of Agriculture, nagtaas ang farmgate price ng manok dahil sa mababang supply.

"Mayroon po kasi tayong mga nasa poultry industry na hindi na nagtuloy ng negosyo dahil na nga po sa losses na kanilang na-incur during the lockdown of last year," ani Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista.

Inaasahang aayos ang presyo ng gulay sa katapusan ng Pebrero habang iniimbestigahan ng DA kung may mga nananamantalang trader. — Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.