'Master of initiation, nagpabaya kaya nasawi ang law student' | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Master of initiation, nagpabaya kaya nasawi ang law student'

'Master of initiation, nagpabaya kaya nasawi ang law student'

ABS-CBN News

Clipboard

'Master of initiation, nagpabaya kaya nasawi ang law student'
iWantTFC

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Kumakalat sa internet ang screenshots ng mga naging usapan umano ng mga miyembro ng Aegis Jvris Fraternity bago ang hazing ni Horacio "Atio" Castillo III, maging ang mga larawan ng mga taong nasa likod ng hazing.

Nakailang libong shares na ang screenshots mula sa Facebook page na “Hustisya para kay Horacio".

Ayon sa post, may isang hindi kilalang netizen ang nagpadala sa admin ng FB page ng umano'y usapan ng sinasabing mga miyembro ng Aegis Jvris Fraternity noong panahong pinaplano pa lang ang initiation rites.

Sa mensahe ng isang nagngangalang "Axel", sinabi niya na "kung sino man ang pupunta sa F.R. ng neo, call time daw sa F.L. ay 9pm."

ADVERTISEMENT

Sagot naman ng isang "Arvin", isa itong “major frat activity.”

Tinanong ng isang "Jayar" kung saan ang F.R.?

Sagot naman ng Arvin, "sa Bulacan, kila Galicia."

Sinabi pa ni Jayar na baka sumabit sila kung doon gaganapin dahil baka daw ma-video-han sila sa lugar.

Sa F.L. na lang daw dahil isa lang naman.

Base pa sa mga screengrab, pasado alas sais ng gabi nitong Sabado, nagmessage ulit si Arvin ng "Fratlib."

At si Jayar naman na imahe ng isang bungo.

Ang "Fratlib" na tinatawag ay ang opisina umano ng Aegis Jvris Fraternity sa Maynila, na sarado na mula pa noong Lunes, Setyembre 18.

Linggo, Setyembre 17, pasado alas-9 ng umaga, nag-message si Axel ng "emergency."

Hinihingi ang number ng isang "Popoy."

Sabi ni Arvin, na "delete nyo muna o," "code of silence," "manahimik muna lahat" at "deactivate kayo account."

Sabi naman ni Popoy, "brods, applicable dito 3hrs detention rule db? Hindi ako magdeactivate. Naiwan ako dito sa hospital eh."

Lumutang na sa imbestigasyon ng pulis ang ilang nakalagay na pangalan sa usapan, maging sa pamphlet ng Aegis Jvris.

Tulad ni Axel bilang M.I. o umano'y "master of initiation" at Arvin bilang G.P., o umano'y "grand praefectus" o ang lider.

Sa nakuha rin ng news team na palitan ng mensahe, sinasabi na mag-isa lang talaga si Castillo na isinailalim sa final initiation rites noong gabi.

Siya lang din umano ang inuutos-utusan at ang sabi pa raw ay "ok lang siya."

Ayon kay Manila Police District Director Chief Superintendent Joel Coronel, inihabol lang si Castillo sa initiation rights pero may dalawa pa umano siyang kasama noong ipinakilala sila sa fraternity bilang neophytes.

Sa isang chat din mula sa nagpakilalang concerned citizen, ikinuwento niyang ang in-charge sa initiation noong gabi ay si Axel Hipe.

Sinabi rin na naging pabaya umano si Axel na nagresulta sa paghihingalo at kalauna'y pagkasawi ni Castillo.

Si Arvin Balag din umano ang kasalukuyang presidente ng fraternity, na siya rin umanong nag-utos ng code of silence at pag-deactivate ng account ng mga miyembro lalo na ang mga sangkot.

Sinabi rin na hindi itinapon sa bangketa si Castillo at pinalalabas lang ito.

Nakalagay din sa palitan ng usapan na nagmalasakit lang umano ang nagdala sa ospital, at galing daw siya sa malayo, at ipinatawag ng mga miyembro ng fraternity para tulungan sila pero patay na raw ang biktima pagdating niya.

May nagpadala naman ng mensahe sa post ng “Hustisya para kay Horacio” ngayong araw.

Sabi sa post, wala umano si John Paul Solano noong naganap ang hazing.

Tinawag lang daw siya noong araw na namatay si Castillo para dalhin siya sa ospital.

Bawal daw tumanggi kaya sinunod ito ni Solano at sa pag-aakalang buhay pa si Castillo.

Nakalagay din sa mensahe na si Axel Hipe na master initiator daw ang dapat managot.

Sa pahayag naman ng Aegis Jvris Fraternity noong Setyembre 18, sinabi nilang makikiisa sila sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Castillo.

Hindi raw ibig sabihin na ang pananahimik nila sa mga nakalipas na araw ay hindi pagtupad sa kanilang commitment.

Nakipag-ugnayan na rin daw ang fraternity sa mga pamilya ng mga posibleng kasama sa fraternity rites.

Ginagawa na rin daw nila ang lahat para kumbinsihin ang mga kasapi ng frat na sumailalim sa imbestigasyon.

Nakikiramay din sila sa pamilya ng kanilang "brod" na si Castillo.

Sa ibinigay na pahayag ng pamilya Castillo, nagpapasalamat sila sa PNP dahil sa mabilis na pag-aksiyon sa kaso.

Hustisya pa rin ang hiling nila para sa nasawing mahal sa buhay.

Ikinatuwa rin nila ang tinatahak ng imbestigasyon na malinaw na nagtuturo sa mga miyembro ng Aegis Jvris bilang suspek sa kaso na nagtatangka pang pagtakpan ang tunay na nangyari.

Nagpapasalamat din sila sa Senado dahil magkakaroon na ng inquiry para lumabas ang katotohanan at masigurong hindi na mauulit ang ganitong krimen.

Magkakaroon muna ng misa sa Santuario De San Antonio bago ihatid sa kaniyang huling hantungan si Castillo sa Miyerkoles, Setyembre 27.

-- Ulat nina Kori Quintos at Oman Bañez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.