Volleyball player na may kapansanan, hinahangaan

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 03:21 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

BATAC CITY - Ipinagmamalaki ng women's volleyball team ng Batac National High School - Bungon Campus ang isang manlalaro nito na si Jazmine Joy dela Cruz.

Ipinanganak na putol ang kanang kamay ni dela Cruz pero ang kahanga-hanga ay magaling siyang maglaro ng volleyball.

Grade 4 pa lang siya nang matutong maglaro ng volleyball sa tulong ng kanyang kuya.

Sabi niya, marami siyang pinagdaanan pero nagsumikap ito para hindi siya maliitin ng mga tao.

"Sabi ng kuya ko, gawin ko ito para hindi ako maliitin ng tao at may masabi ako na mayroon akong talento. Hamonin ko daw sila na mag-laro," aniya.

Sa mga laban ng koponan, madalas si dela Cruz ang pinapasahan ng bola. Ang hindi nila alam ng mga kalaro, isa siya sa pinakamalakas na player.

"Sa kanya pinapasa yung bola pero hindi nila alam ay kayang-kaya niyang mag-receive ng bola," ayon sa kanyang teammate na si Mia.

Bilib din sa kanya ang mga coach sa kabila ng kanyang kondisyon. Purisigido sila na paglaruin si dela Cruz sa Region 1 Athletic Association Meet.

"Malaki ang potensyal ni Jazmine bilang volleyball player kasi magaling siyang magdepensa," ayon kay coach Denzdy Santos.

"Bilang coach niya, pursigido ako na kunin siya dahil mas magaling pa siya kesa sa ibang kagrupo niya. Mas magaling pa siya even though ganito siya na may disability," ayon kay coach Melba Cabias.

Positibo sa buhay si dela Cruz at gusto niyang patunayan na hindi hadlang ang kakulangan sa bahagi ng katawan para hindi maging buo ang tiwala sa sariling kakayahan.

Bukod sa husay niya sa paglalaro ng volleyball, kabilang din siya sa top 10 sa kanilang klase.

“Masaya ako dahil kahit ganito ako, nirerespeto ako. Tanggap ko ang ibinigay sa akin ng Diyos dahil meron din namang akong talento. Isa rin itong dahilan kaya kilala ako ng mga tao," ayon kay dela Cruz.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.