Bawal ang boxing: Jimuel Pacquiao, ibinahagi ang nais tahaking career | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Bawal ang boxing: Jimuel Pacquiao, ibinahagi ang nais tahaking career

Bawal ang boxing: Jimuel Pacquiao, ibinahagi ang nais tahaking career

Karl Cedrick Basco,

ABS-CBN News

Clipboard

KUALA LUMPUR—Nakaukit na ang pangalang Manny Pacquiao sa kasaysayan ng boksing sa mundo, ang nag-iisang 8-division world champion.

Bagamat muling tatapak sa boxing ring sa Linggo kontra sa Argentinean boxer na si Lucas Matthysse, hindi maikakailang tumatanda na si Pacman at malapit nang magretiro sa isport.

At kung darating man ang araw na tuluyan na ngang isasabit ni Pacquiao ang kaniyang gloves, sino ang susunod sa yapak niya?

Marami ang nangangarap na masundan kahit kaunti ang kaniyang yapak. Ngunit, isa lang ang sigurado -- wala sa anak ni Pacman ang papasok sa boxing ring.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Emmanuel Pacquiao Jr., o mas kilala sa pangalang Jimuel, ayaw umano ng kaniyang ama na may sumunod ang kahit sino sa kanilang magkakapatid sa pagboboksing.

"Sabi niya, it hurts daw kapag boxing," sabi ng panganay na anak ni Pacquiao sa ABS-CBN News. "Kami talaga lahat di puwede."

Noong bata pa lamang daw ito, sinubukan na rin niyang alamin ang boxing ngunit pinatigil ito ng ama.

Lima ang anak ng Pambansang Kamao at maybahay niyang si Jinkee: sina Jimuel, Michael, Princess, Queenie at Israel.

Sa kasalukuyan, tutok muna si Jimuel sa kaniyang pag-aaral habang nais naman niyang kunin ang kursong may kinalaman sa business pagdating niya ng kolehiyo.

Kung papalarin at mabibigyan ng pagkakataon, gusto rin sana ng 17-anyos na anak ni Pacman na maging basketbolista.

Miyembro ng varsity team ng Hope Christian School sa General Santos City si Jimuel at susubukan maging basketball player sa Brent International School Manila kapag lipat nito ng paaralan.

Hindi rin niya isinasarado ang pinto sakaling mabigyan ng oportunidad na maging isang model.

"OK lang din mag-modelling kung may opportunity, why not? I will be willing to try," pag-amin ni Jimuel.

Nandito sa Malaysia ang buong pamilya ng Pambansang Kamao para sa laban nito kay Matthysse sa Axiata Arena.

Ngayon na lang muli makakapanood si Jimuel ng laban ng ama simula noong 2016 dahil lagi umanong sakto sa kaniyang pasok sa eskuwelahan ang laro ni Pacman.

"The last fight that I watched live was the third Bradley fight," kuwento ni Jimuel.

Inamin din niya na kahit excited siyang muling mapanood ang amang tumapak sa loob ng boxing ring, kinakabahan pa rin ito.

Pero tiwala pa rin aniya silang magkakapatid na mananalo ang kanilang padre de pamilya at maaagaw nito ang WBA welterweight title kay Matthysse.

"Ngayon OK naman siya. He's in good shape. Ready na ready na siya," dagdag pa nito.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.