Palarong Pambansa: Batang kampeon ng 3000m, tumakbong nakapaa | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Palarong Pambansa: Batang kampeon ng 3000m, tumakbong nakapaa

Palarong Pambansa: Batang kampeon ng 3000m, tumakbong nakapaa

Karl Cedrick Basco,

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 25, 2017 12:33 AM PHT

Clipboard

Nanalo ng gintong medalya si Jay-Ann Labasano ng Bukidnon sa 3,000-meter run.

ANTIQUE – Habang ang lahat ay sinisuguradong mahigpit ang pagkakasintas ng kanilang sapatos, hindi alintana ng 17-taong gulang na si Jay-Ann Labasano ang init ng track and field oval kahit siya ay nakapaa.

Tubong Bukidnon, mas pinili ng Grade 11 na atleta ng Northern Mindanao Region na tumakbo ng nakayapak sa kabila ng mainit na panahon sa Binirayan Sports Complex sa San Jose de Buenavista, Antique para sa panimula ng track and field competition ng Palarong Pambansa 2017.

Nagbunga ang paghihirap ni Labasano nang makopo nito ang gintong medalya sa 3000m run para sa secondary girls. Tumikada ang first-timer na si Labasano ng 10:32.67, 11 segundo ang lamang sa pumapangalawang si Jie Anne Calis ng National Capital Region.

Balot ng Band-Aid ang mga daliri ng paa ng bagong reyna ng 3000m matapos ang kanyang pagtakbo.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Labasano, anak ng magsasaka, mas komportable umano siya kapag nakapaang tumatakbo na nagsimula noong bata siya at nakikipaglaro.

Inamin niya na mayroon siyang sapatos na pantakbo na madalas ay ginagamit niya sa ensayo.

Hindi naman naging madali ang daan para kay Labasano patungong Palarong Pambansa lalo pa’t tatlong beses sa isang araw siya kung magsanay.

“Mainit ang training naming. Pag umaga 4 am, 10 am sa tanghali, at 3 pm sa hapon."

Nilinaw rin ng tagapag-sanay ng manlalaro na si Mavyzel Alecer na mayroong spike shoes at practice shoes ang kanilang mga mananakbo subalit hindi naman niya ito maaaring pagbawalang magpaa sa laro.

Ayon pa kay Labasano, nasanay na ang kanyang pang tumakbo ng nakayapak. “Si coach ang naglalagay ng band-aid sa paa ko,” ani Labasano.

“Ginagamit ko po ‘yung spike shoes sa shorter distance,” dagdag pa ng silver medalist sa regional meet. “Mas magaan tumakbo kapag nakapaa.”

Labis ang tuwa ni Alecer sa tagumpay ng kanyang bata lalo pa’t hindi siya ang inaasahang magbibigay ng ginto sa Region 10.

“Hindi naming in-expect na maggo-gold siya,” ani Alecer. “Ang bilin lang naming ay dikitan ‘yung champion ng regional meet.” Nagkasya lamang sa ikaapat na puwesto ang regional champion ng Northern Mindanao na si Camila Tubiano.

Hindi rin ininda ng 13-taong gulang na si Mary Ann Burilla ng Bicol Region ang tindi ng init kanina matapos magpaa rin sa time trial ng 800-meter dash.

Kagaya ni Labasano, higit na mas maganda ang kanyang oras kung ito ay sasalang ng nakapaa. Bagamat hindi gumagamit ng sapatos sa laban, sinabi ni Burilla sa ABS-CBN News na ginagamit niya ang kanyang sapatos sa ensayo.

Hindi lamang ang three-time Palaro runner na si Burilla ang tumakbong nakapaa mula sa Region 5. Humataw din ng nakayapak sa track oval ang Grade 6 student na si Francis Letada na pumangalawa sa kanyang heat sa 800m dash para sa elementary boys.

Paliwanag ng tagapagsanay nina Burilla at Letada na si Leny Ruadil, hindi nila pinipilit ang kanilang mga manlalarong magpaa sa pagtakbo lalo na’t sanay sa ganoong pamamaraan ang mga ito dahil sa kanilang tinitirhan.

“From lower meet nakapaa na sila. Ang mga bahay sa isang lugar sa Camarines Sur ay nakatirik sa itaas ng bundok kaya sanay silang nakapaa,” ani Ruadil. “Wala kasing oval sa Lower Meet, nagkakaroon lang kapag nasa Division, Regional or National meet.”

Ibinunyag din ni Ruadil na madalas ay nasusugatan ang paa ng ilang mga atleta kapag nakasapatos, kabilang na rito ang pagkakasira ng mga kuko sa paa.

Nakatakdang lumaban si Labasano muli sa 1,500-meter run na maaaring makapagdagdag sa gintong medalya ng rehiyon.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.