Higit 500 OFW na di pinasahod sa Kuwait, nag-resign

Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Sep 14 2017 05:25 PM

Ilan sa mga nag-resign na manggagawa ng Kharafi National Company sa Kuwait

Mahigit sa 500 overseas Filipino worker sa isang malaking contracting company sa Kuwait ang nag-resign dahil hindi pinapasahod. 

Isa si Andrew Sayasaya sa mga nag-resign sa trabaho. Karamihan sa kanila ay walong buwan nang walang sahod kaya humingi na sila ng tulong sa Philippine Overseas Labor Office.

“Kasi napakalaking problema na po talaga ang nangyayari sa Pilipinas. May mga pamilya kami, may mga anak kami na napatigil sa pag-aaral, may mga nasirang pamilya dahil sa hindi nakakapagpadala. Sana magawan ng paraan agad ng ambassador, ni Labatt (Labor Attache) na mapabilis ang pagbabayad namin,” sabi ni Sayasaya.

Hindi na umano kayang magbayad ng sahod ang kumpanya kaya nag-resign na lang sila.

“Sa totoo lang, naranasan ko sa kumpanya, sobrang hirap. Marami sa amin nahihirapan na dahil sa sitwasyon ng kumpanya namin,” sabi ni Dante Medina, forklift operator ng Kharafi National Company. 

“Katulad ko, 2016 pa, November natapos ang resignation ko pero hanggang ngayon nandito pa ako dahil walang ginagawa ang kumpanya para mabayaran ako,” dagdag niya.

Nagsimula ang ganitong problema ng kumpanya noong pang 2016. Sa 20,000 na empleyado na iba-ibang lahi, mahigit 1,000 ang Pinoy. Ngunit ngayon nasa higit 500 na lang ang natirang Pinoy sa kumpanya. Ang ilan ay lumipat ng ibang kumpanya. Ang iba naman ay nag-resign at umuwi na. Samantala may mga naghihintay pa rin sa pangako ng kumpanya na babayaran ang sahod at indemnity nila.

“May ipapangako sa iyong buwan, pagdating ng buwang iyon, maghihintay ka na naman ng sunod na buwan, hanggang sa ganun nang ganun hanggang sa umabot kami sa walong buwan,” sabi ni Russel Aranez..

Ilang beses na rin nakipagpulong ang POLO sa mga kinatawan ng kumpanya para mabayaran ang mga manggagawang Pinoy.

“Hindi po kami nagkulang sa pag follow-up po sa mga officers po ng Kharafi National para po mabayaran na po sila at mapauwi na po sila sa Pilipinas. Kahapon lang po nandon po kami para i-follow up kung kailan po sila mababayaran. Hopefully po, mabayaran na po sila at makauwi na sa Pilipinas,” sabi ni Assistant Labor Attache Lily Pearl Guerrero.

Reklamo ng mga Pinoy na mas inuuna pa umano ng kumpanya na bayaran ang mga ibang lahi.

“Lahat naman may binabayaran kaya lang po may priority list. Hindi naman nila tinitingnan kung anong nationality. Ang sabi po nila, unti-unti lang kasi ang dating po ng koleksyon nilang pera kaya hindi po nababayaran lahat po sila nang sabay-sabay. Saka nagkaroon po ng panic sa manggagawa at nagkakaroon po ngayon ng mass resignation. Natakot po kasi sila na ang sabi baka wala na silang matanggap na pera mula sa kumpanya,” sabi ni Guererro.

Pero ayon sa grupo, hindi sapat ang aksyon na ginagawa ng POLO at embahada.

“Humingi na sila ng tulong sa matataas sa gobyerno natin tulad ng Presidente, DFA (Department of Foreign Affairs) at saka Secretary of Labor para siya ang makipag-usap sa gobyerno ng Kharafi, government to government,” ani Aranez. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.