3 Pinay na kinasuhan sa Malta, nagpapasaklolo sa pamahalaan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

3 Pinay na kinasuhan sa Malta, nagpapasaklolo sa pamahalaan

3 Pinay na kinasuhan sa Malta, nagpapasaklolo sa pamahalaan

Rose Eclarinal,

ABS-CBN Europe News Bureau

 | 

Updated Apr 30, 2018 06:07 PM PHT

Clipboard

Ang bansang Malta ay isang mala-paraisong isla na matatagpuan sa puso ng Mediterranean.

Pero mapait ang sinapit ng tatlong Pilipina doon na ngayon ay humihingi ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos silang kasuhan ng human trafficking.

Matatandaang noong Pebrero ay nauna nang inaresto ang 11 Pinoy upang gawing testigo laban sa JF Group kaugnay ng kasong human trafficking.

Marso naman dinampot ang tatlong Pinay dahil sa pag-akto umanong "ahente."

ADVERTISEMENT

Nakulong umano sila ng 10 araw pero pinalaya rin habang umuusad ang kaso.

"Nagpapa-interview kami ngayon kasi sini-seek namin ang help ng government. Di naman kami kriminal," ani alyas "Rica."

Nabuking kasi ang anomalya sa working permit ng mga Pinoy na nagtatrabahong waitress sa restoran kahit ang visa ay para sa cleaner.

Iginiit ng dalawa sa tatlo na hindi sila konektado sa JF Group at "tumutulong" lang daw sila.

Si alyas "Alleyah" lang ang nagtatrabaho sa kompanya at aminado siya na may dapat ayusin sa agency.

Pero depensa niya, alam umano ng mga aplikante na hindi talaga nasusunod ang kontrata.

"Alam po ng lahat ng nandito na wala pong kontrata ang nasusunod. Ang alam ng mga nag-aapply kuno, libre ang tirahan. Pero alam po nila na walang libre. So alam nila na lahat 'yun ika-karga lahat," rebelasyon ni Alleyah.

Nasa 5,000 hanggang 10,000 euros o naglalaro sa P300,000 hanggang P700,000 ang ibinabayad ng mga Pinoy para makarating sa Malta at wala umanong resibo.

"Walang resibo sa Pilpinas at wala ring ibinibigay dito...Masasabi kong alam nila [applicants] kasi sinasabi naman 'yun ng agent o agency na ganito ang gagawin sa kontrata. Take it or leave it," ani alyas "Jenny" na apat na taon nang naninirahan sa Malta.

Sabi pa ni Jenny, wala siyang kilala sa Malta na nasunod ang kontrata at tanggap nila ito.

Pero ang reklamo pa ng tatlong akusado, wala silang nakuhang tulong mula sa konsulado.

May conflict of interest din daw dahil ang negosyo ng honorary consul ay recruitment.

Kasama pa raw ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Rome na nagsuplong sa kanila sa pulis.

"Ang sakit talaga na kailangan namin ng tatay o nanay, literally ang embassy nasaan kayo? Kasi hindi namin alam eh, talagang wala," hinaing ni alyas "Joan" na isa sa tatlong naaresto noong Marso.

Itinanggi naman ni Honorary Consul Roger Strickland ang paratang ng tatlo at sinabing matagal na umano siyang nag-divest sa recruitment business at pinaubaya ito sa pamilya.

Pakiramdam naman ng mga Filipino leaders, bagito pa si Labor Attaché Haney Siclot para sa malalim na problema ng overseas Pinoy sa Italya at Malta.

Noong isang taon lang na-appoint si Siclot.

"Hindi sila sumasagot sa concern namin. Hindi dapat ganun eh," hinaing ni Mona Rogong, presidente ng grupong Filipino Contract Workers in Malta.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Siclot dahil nasa korte na raw ang kaso pero iginiit niya na hindi raw POLO ang nagpahuli sa mga Pinoy.

"Regarding the allegation that POLO-Rome tipped off Maltese officials, this is not part of our mandate, and our office continues to serve the Filipinos in line with the authorities sanctioned by law," ani Siclat.

Hangga't hindi pa natatapos ang paglilitis sa korte sa Malta, umaasa ang mga Pinoy sa ayuda mula sa embahada at gobyerno ng Pilipinas.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.