OFW na pinainom ng bleach, kinakagat at ginugutom din ng amo: DFA

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 01:32 PM

DFA

MANILA - Bumubuti na ang kalagayan ng overseas Filipino worker na sapilitang pinainom ng bleach ng kaniyang amo sa Saudi Arabia, sabi ng Department of Foreign Affairs (DFA), Martes.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinabi ng biktimang si Agnes Mancilla sa Consul General ng Pilipinas sa Saudi Arabia na ipinainom sa kaniya ng amo ang kemikal dahil nagkamali siya sa pagtitimpla ng tsaa.

Giniit ni Mancilla sa mga awtoridad, kinakagat siya ng among babae tuwing nagkakamali siya sa trabaho, sabi ni Elmer Cato, Acting Assistant Secretary ng Office of Public Diplomacy ng DFA.

Kape lamang ang binibigay kay Mancilla ng kaniyang mga amo sa loob ng halos 46 araw at pinagtratrabaho siya mula alas-5 ng umaga hanggang alas-2 ng madaling araw, dagdag ni Cato.

Ayon sa mga opisyal ng embahada sa Saudi, hindi rin nakakatawag sa kaniyang pamilya si Mancilla sa loob ng halos 2 taon dahil kinuha ng kaniyang mga amo ang cellphone nito.

Nagsimulang magtrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia si Mancilla noong 2016. Nagsimula ang pang-aabuso sa kaniya matapos nilang lumipat sa bayan ng Jizan noong nakaraang taon.

Hindi pa malinaw kung kailan mailalabas sa intensive care unit sa isang ospital sa Saudi si Mancilla.

Ayon kay Cato, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa mga awtoridad sa Saudi upang masampahan ng kaso at mapanagot ang mga amo ni Mancilla.

- ulat mula kay Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News