Mga 'RevGov' rally, idinaos kasabay ng Bonifacio Day | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga 'RevGov' rally, idinaos kasabay ng Bonifacio Day

Mga 'RevGov' rally, idinaos kasabay ng Bonifacio Day

ABS-CBN News

 | 

Updated Nov 30, 2017 04:32 PM PHT

Clipboard

Kasabay ng ika-154 anibersaryo ng kaarawan ni Andres Bonifacio, nagdaos ng rally ang iba't ibang grupo sa Maynila hinggil sa isyu ng revolutionary government.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa Mendiola, Maynila nagtipon-tipon ang mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte para isulong ang pagdeklara ng revolutionary government.

Sa taya ng Manila Police District, bandang alas-12 ng tanghali, umaabot na sa 2,000 ang bilang ng mga tagasuportang dumalo sa rally.

Kabilang sa mga demonstrador ang Masa Duterte Movement.

ADVERTISEMENT

Ayon sa mga demonstrador, sa pamamagitan ng revolutionary government mas madaling maipatutupad ng Pangulo ang mungkahing pederalismong gobyerno na ikauunlad umano ng bansa.

"Ang revolutonary government ay tinig ng sambayanang Pilipino. People's initiative ito," pahayag ni Efren Reyes, deputy chairman ng People's Reform Initative Movement-Laguna Chapter.

Dahil sa pagkilos, isinara sa lahat ng motorista ang kahabaan ng Legarda mula sa kanto ng San Rafael Street hanggang Mendiola.

Hindi naman madaanan ang Legarda at Recto.

Nagmula pa ang mga demonstrador sa mga lalawigan gaya ng Rizal, Cavite, Bulacan, Nueva Ecija, Samar at Bicol. Ang iba'y dumating sa Maynila noong Miyerkoles ng gabi pa lang.

Samantala, sa Liwasang Bonifacio naman sa Maynila nagsama-sama ang mga militanteng grupong tutol sa revolutionary government.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kabilang dito ang mga grupong Bagong Alyansang Makabayan, Kilusang Mayo Uno, Kadamay at Anakpawis.

Idinaing din ng mga militante ang umano'y "mala-diktador" na pamumuno ni Pangulong Duterte sa bansa.

Tutungo sana ang mga militante sa Mendiola upang magdaos ng programa subalit tiniyak ni National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde na hindi na pag-aabutin ng puwersa ng mga pulis ang dalawang panig ng mga raliyista.

Ito'y upang maiwasan na mag-abot pa ang dalawang panig ng mga raliyista na may magkaibang opinyon ukol sa mga isyu gaya ng revolutionary government.

May ilang militante na nauna nang nagtangkang sumugod sa Mendiola subalit hinarang ito ng grupo ng mga tagasuporta ng Pangulo.

Ayon kay Albayalde, nagpadala ito ng karagdagang 500 para tiyakin na magiging mapayapa ang mga pagkilos.

Unang nagbanta si Pangulong Duterte na magdedeklara ng revolutionary government bilang tugon sa mga destabilization efforts ng kaniyang mga kalaban, gaya ng mga komusita, mayayaman at ng U.S. Central Intelligence Agency.

Pero kalauna'y binawi rin ito ng Pangulo.

Sa ilalim ng revolutionary government, suspendido ang umiiral na Konstitusyon at ang kapangyarihan ng pagpapatakbo ng bansa ay mapupunta sa Pangulo.

Mababakante rin ang mga posisyon sa gobyerno dahil sa revolutionary government.

Matatandaang nagtatag ng revolutionary government si dating pangulong Corazon Aquino matapos mapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos noong 1986.

Sa pamamagitan ng revolutionary government, naitatag din ni Aquino ang pansamantalang charter na pumalit sa 1973 Constitution bago maibalangkas ang 1987 Constitution.

-- Ulat nina Henry Atuelan, Raya Capulong, Dennis Datu at Jervis Manahanan, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.