Nene, sinakmal, tinangay ng buwaya sa Palawan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Nene, sinakmal, tinangay ng buwaya sa Palawan

Nene, sinakmal, tinangay ng buwaya sa Palawan

Rex Ruta,

ABS-CBN News

Clipboard

Matatagpuan sa dulo ng Palawan ang Balabac Island at 30 minuto na lamang ang layo nito sa Sabah, Malaysia.

Pero nababalot ng takot ang mga katutubong Molbog na nakatira malapit sa ilog sa Brgy. Catagupan sa bayan ng Balabac dahil sa pagsalakay ng buwaya.

Pinakahuling sinakmal ng buwaya noong Nobyembre 9 ang isang 12 anyos na bata habang papatawid ito sa tulay kasama ang kaniyang nakababatang kapatid.

Ayon sa kapatid, tinangay ng buwaya sa ilog ang biktima, na humihingi pa ng saklolo.

ADVERTISEMENT

"Malaki po at maitim na buwaya, dinala niya si ate," kuwento ng kapatid na nakaligtas sa insidente.

Ayon sa ina ng magkapatid, makailang ulit na niya silang pinaalalahanan na mag-ingat sa pagtawid sa tulay dahil doon nagtatago ang buwaya.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin mahanap ang bata pero umaasa ang pamilya na makikita kahit ang katawan lang ng paslit.

Kaya't kahit delikado ay sinusuyod pa rin nila ang ilog sa Sitio Tukanigalo sa nasabing lugar.

Gayunpaman, hindi pa rin matanggap ng mga magulang ang sinapit ng anak kaya bilang ganti ay isang dalawang metrong buwaya ang kanilang hinuli at pinatay.

Buwaya, 'naistorbo' ng ilegal na akitibidad

Kasama ang Palawan Council for Sustainable Development, Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center at iba pang ahensiya, sinurvey ang ilog ng Sitio Tukanigalo.

Kalmado ang ilog pero malabo ang tubig. Mainam daw itong tirahan ng mga hayop lalo na ng mga buwaya dahil sa yabong ng bakawan.

Pero hindi inaasahan ang eksenang bumungad sa grupo.

Mahigit isang ektaryang pinagpuputol na bakaw na ginamit sa tanbarking o pagbabalat ng bakaw ang natagpuan ng grupo.

Malaki ang posibilidad na ang ilegal na aktibidad ang dahilan ng pag-atake ng buwaya.

Hinintay ng grupo na dumilim para gawin ang night spotting na bahagi ng validation.

Doon nakumpirmang mayroon ngang dambuhalang buwaya ang nakatira sa ilog.

Makikita rin ang pagiging agresibo at dominante ng buwaya na maaaring nagbabantay ng kaniyang teritoryo.

Sa tantiya ng mga eksperto, nasa 14 talampakan ang buwaya.

Maaari raw na maulit pa ang pag-atake kung patuloy na aabusuhin ng mga tao ang kanilang tirahan.

Bubuo pa rin ng rekomendasyon ang grupo para magkaroon ng desisyon kung huhulihin ang buwaya o mismong ang mga tao na ang lumayo sa natural na tirahan ng mga buwaya.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.