Tensiyon sumiklab sa protesta sa Maynila; mga militante binomba ng tubig | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Tensiyon sumiklab sa protesta sa Maynila; mga militante binomba ng tubig

Tensiyon sumiklab sa protesta sa Maynila; mga militante binomba ng tubig

ABS-CBN News

 | 

Updated Nov 13, 2017 03:26 PM PHT

Clipboard

MAYNILA - (UPDATED) Libo-libong aktibistang kontra sa pagbisita sa bansa ni US President Donald Trump ang nagtangkang makalapit sa Philippine International Convention Center kung saan ginaganap ang pagbubukas ika-31 ASEAN Summit, Lunes ng umaga.

Pero sa kanto pa lang ng Padre Faura at Taft Avenue, pasado alas-10:00 ng umaga, hinarang na sila ng anti-riot police at saka nagkagirian. Binomba ng tubig ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang mga nagpoprotesta na nagpupumilit makalusot.

Sa gitna ng tulakan, nagawa pa ng mga nagpoprotestang magbato ng mga kahoy, bote, at tsinelas sa mga nakaharang na pulis. Ibinabato naman ito pabalik ng mga awtoridad.

Hindi bababa sa 10 militante ang nasugatan. Dalawa sa mga ito ay dinala sa ospital matapos mahampas umano sa ulo. Anim na pulis ang sugatan at ang iba ay nakaranas ng pagkahilo sa pagod at init.

ADVERTISEMENT

Tinatayang 15,000 ang bilang ng mga lumahok sa kilos-protesta, ayon sa mga militante. Pero ang sabi ng pulisya, nasa 1,000 lang ang lumahok sa protesta.

At dahil wala ng malulusutan, sumuko rin ang mga militante at
Isang trak na lang ang ipinuwesto na ginagamit nilang entablado sa kanilang programa.

Ayon kay National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde, pinag-aaralan na nila ang pagsasampa ng kaso sa mga militante lalo't may mga nasaktang pulis.

Giit ni Albayalde, papayagan naman ang mga militante na magprotesta hangga't gusto nila pero di sila papayagan na makalapit sa ASEAN summit venue.

Bitbit ng mga nagpoprotesta ang isang 13-talampakang effigy ni Trump, na may apat na kamay na nakaposisyon bilang swastika. Ayon kay Renato Reyes ng grupong Bayan, simbolo ito ng pasismo, giyera at plunder.

Sa Pilipinas magtatapos ang Asian tour ni Trump na nanggaling na rin sa Japan, South Korea, China, at Vietnam. Bago dumating sa Pilipinas kahapon, binanggit na nitong handa siyang gumitna sa pagitan ng Tsina at claimants sa South China Sea.

--ulat mula kina Dennis Datu, Kristine Sabillo at Niko Baua ng ABS-News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.