Simbahang Katolika mangunguna sa pagtitipon laban sa pagpatay | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Simbahang Katolika mangunguna sa pagtitipon laban sa pagpatay

Simbahang Katolika mangunguna sa pagtitipon laban sa pagpatay

ABS-CBN News

 | 

Updated Nov 04, 2017 05:13 PM PHT

Clipboard

Ilang kamag-anak ng mga biktima ng mga pagpatay sa ilalim ng kampanya laban sa droga ang nagsama-sama sa isang misa sa Our Lady of Victory sa Potrero, Malabon noong Peb. 2, 2017. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News

MANILA - Hindi bababa sa 100 kamag-anak ng mga biktima ng extrajudicial killings ang dadalo sa isang panawagan para sa pagkakaisa sa EDSA Shrine sa Linggo na pangungunahan ng simbahang Katolika.

Isasagawa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at ng iba pang mga multi-sectoral groups ang "Heal Our Land Sunday," isang serye ng mga aktibidad na mananawagan ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa gitna ng libo-libong kaso ng pagpatay sa bansa.

Magdaraos ng isang misa sa EDSA Shrine bandang alas-3 ng hapon na susundan ng isang prusisyon at ilang kultural na pagtatanghal sa People Power Monument sa White Plains, Quezon City.

Ayon kay Karina Constantino David ng Tindig Pilipinas, walang political speeches sa programa. Inaanyayahang makilahok ang kahit sinong Pilipino, ano man ang kinabibilangan o pinaniniwalaang partido.

ADVERTISEMENT

Noong nakaraang buwan, nagsagawa na ng isang candle vigil ang ilang grupo sa Christ the King Parish sa Quezon City upang ipanawagan ang pagtigil ng mga extrajudicial killings sa bansa.

Ang mga aktibidad ay bahagi ng matingkad na pagtuligsa ng maimpluwensiyang simbahan sa mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng giyera kontra-droga.

Nagpasalamat at nagpahayag ng suporta ang ilang grupo sa hakbang ng simbahan upang pagkaisahin ang mga Pilipinong iba-iba ang pananaw sa usapin ng extrajudicial killings.

"Buo ang suporta natin sa gagawing Heal Our Land Sunday ng Simbahan. Nananawagan din tayo sa ating mga kababayan na makiisa sa pagdarasal para sa ganap na paghilom ng ating bansa," saad ng Partido Liberal sa isang pahayag.

"Panahon na upang tayo’y sama-samang tumayo, isantabi ang pagkakaiba, at pagtibayin ang kahalagahan ng buhay at kaparatang pantao," dagdag ng partido ng oposisyon.

Giit naman ng grupong Mananaggol Laban sa Extrajudicial Killings (MANLABAN sa EJKs), panahon na upang magkaisa ang mga Pilipino sa paninindigan para sa mga karapatang pantao.

Nanawagan rin sila sa mga abogado na makiisa sa pagtitipon.

"Kasama ang sambayanang Pilipino, hinihingi namin ang pagpapanagot sa mga salarin na nasa likod ng mga walang saysay na pagpatay," ayon sa grupo.

Makailang beses nang ipinagtanggol ng administrasyon ang kampanya laban sa droga at sinabing hindi nito ipinag-utos ang pagpatay sa mga suspek.

Nauna nang sinabi ng simbahan na may mga pulis nang lumapit at umamin na sila ay pumatay ng mga sangkot umano sa droga. Humingi umano sila ng tulong sa simbahan dahil inuusig na ang kanilang konsiyensiya.

Ayon sa datos ng ABS-CBN Investigative and Research Group, hindi bababa sa 4,226 ang mga biktima ng extrajudicial killings mula Mayo 2016 hanggang Oktubre 2017.

Ayon naman sa Philippine National Police, walang naitalang kaso ng extrajudicial killing sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang halos 3,800 naman na napatay sa mga anti-drug operations ay pawang mga suspek na nanlaban.

Noong nakaraang buwan, inilipat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamumuno ng kampanya laban sa ilegal na droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa pulisya.

Ikinagalit na rin ng Pangulo ang pagpalag ng simbahan sa kaniyang kampanya.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.