Relief goods para sa mga 'bakwit', kinukulang? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Relief goods para sa mga 'bakwit', kinukulang?

Relief goods para sa mga 'bakwit', kinukulang?

ABS-CBN News

Clipboard

Mga tauhan ng barangay at tig-dalawang miyembro lang ng bawat pamilya ang makababalik sa siyam na 'pilot' barangay sa Marawi sa Huwebes, Oktubre 26.

May ilang barangay pa kasing hindi pa kumpleto sa mga kinakailangang dokumento bago payagang makauwi ang mga residente.

Sa Oktubre 26 din magkakaron ng "Peace Caravan," tampok ang pagbubukas ng iba't ibang pangunahing serbisyo sa siyudad, tulad ng pagkakabit ng tubig at kuryente.

Isa si Jalal Disma sa mga pinayagang makabalik sa kaniyang bahay sa Barangay Basak Malutlut ngayong linggo.

ADVERTISEMENT

Ngunit problemado ito dahil kailangan muna umano nilang magbayad ng P1,000 bago kabitan ng kuryente batay sa kautusan ng Lanao Del Sur Electric Cooperative (LASURECO).

Nitong Martes, pinag-usapan ng technical working group na binubuo ng lokal na pamahalaan, mga kapitan ng siyam na pilot barangay, Armed Forces of the Philippines, at Philippine National Police ang mga isyu sa pagbabalik ng mga residente.

Panawagan ng lokal na pamahalaan, sana'y bigyan ng dalawang buwang palugit ang mga residente bago pagbayarin.

Pero isang buwang palugit lang ang binigay ng LASURECO sa mga residenteng magpapalista.

Nagsagawa naman ng water testing ang City Health Office ng Marawi sa pagkukuhanan ng tubig ng siyudad.

Titingnan kung gumagana ang mga pumping station para matiyak na ligtas at hindi kontaminado ang tubig.

Sa kasalukuyan, isa lamang sa limang pumping station sa Marawi ang gumagana.

Maglalagay ang City Health Office ng water bladders sa ilang lugar at magrarasyon ng tubig upang matugunan ang pangangailangan ng lungsod.

Kulang sa relief?

Samantala, inireklamo ng ilang lumikas na residente sa Iligan City na matagal at kulang ang ipinamimigay na food packs sa kanila ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Si Jennifer Macareal, pinipilit paabutin ng dalawang linggo ang tatlong kahon ng food packs para matiyak na may makakain pa ang kaniyang pamilya hanggang sa susunod na pamamahagi.

Ayon kay Macareal, kulang ang 18 kilo ng bigas at mga de latang laman ng kahon para pakainin ang kanilang pamilya sa loob ng 15 araw.

Kaya sinisikap ni Macareal na palaguin ang negosyong pagtitinda ng barbecue para may ibang mapagkuhanan sa pangangailangan.

Ang mga hindi nakadidiskarte, nagtitiis na lang.

Ang mabagal na pagkakahon sa mga food pack ang sinisisi noon ng Task Force Bangon Marawi sa mabagal na pamimigay ng pagkain.

Sa kanilang tanggapan sa Iligan, mano-mano pa rin ang pagkakahon at pagbabalot. Minsa'y mabagal pa umano ang pagdala sa mga de lata.

Kaya nagpaabot ng tulong ang ibang rehiyon sa pagbabalot para maabot ang 10,000 packs kada araw.

Aminado ang DSWD na kapos sila sa suplay dahil hindi nila inakalang aabutin ng limang buwan ang giyera sa Marawi.

Sa Cotabato City, inaalam na rin ng lokal na pamahalaan kung bakit may mga nagrereklamong bakwit sa kabila ng patuloy na food feeding sa mga evacuation center.

Inamin ng lokal na pamahalaan na hanggang Disyembre na lang nila matutustusan ang mga bakwit.

Tiniyak naman ng DSWD na mayroon pa silang pondo para sa pagkaing ipamamahagi sa mga bakwit sa kanilang pagbabalik ng Marawi.

-- Ulat nina Kori Quintos at Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.