5 minutong ‘standing break’, para sa laging nakaupo, ipatutupad

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 04:26 PM

Magkakaroon na ng limang minutong standing break kada dalawang oras ang mga empleyadong laging nakaupo sa trabaho.

Alinsunod ito sa Department Order (DO) No. 184 ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nilagdaan nitong Oktubre 18. 
    
Sakop ng kautusan ang mga empleyadong laging gumagamit ng computer, gumagawa ng administrative at clerical works, nasa highly-mechanized establishment, information technology, at toll booths.

Binigyang-diin ng DOLE na mahalaga ang standing break para sa kalusugan ng mga empleyadong obligadong maupo nang mahabang oras.

Bukod pa riyan, nakapaloob sa DO ang iba't ibang maaaring gawin ng employer upang maenganyo ang mga nagtatrabaho na magkaroon ng pisikal na aktibidad.

Kasama rito ang pag-oorganisa ng "heath promotion activities" tulad ng calisthenics at dance lessons pagkatapos ng trabaho. 

Dapat din na mayroong "medical surveillance" sa mga empleyadong may mas mataas na tsansa ng pagkakasakit dulot ng mahabaang pag-upo at hindi pagkilos. 

Iinspeksiyunin ng DOLE ang mga employer na sakop ng DO at susuriin kung pinatutupad nito ang kautusan. 

Magiging epektibo ang kautusan 15 araw matapos itong mailathala sa mga pahayagan o tinatantiyang sa unang linggo ng Nobyembre.

--May ulat mula sa Headline Pilipinas

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.