Pabahay, ayudang mahigit P200,000, ibibigay sa mga magbabalik-Marawi

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 10:28 PM | Updated as of Oct 20 2017 06:36 AM

Isa sa mga bahay na pansamantalang patitirhan sa mga residenteng lumikas dahil sa giyera sa Marawi city. Galing Korea ang technology sa bahay na gawa sa tatlong pulgadang "sandwich panel" na "hard pressed Styrofoam." Screengrab

Ipinakita na ang mga bahay na pansamantalang patitirhan sa mga "bakwit" o mga residenteng lumikas dahil sa giyera sa Marawi City.

Nasa 22 square meters ang laki nito at may sariling banyo.

Galing Korea ang technology sa bahay na gawa sa tatlong pulgadang "sandwich panel" na "hard pressed Styrofoam" na nakaipit sa bakal at nagkakahalaga ng P160,000.

Ayon kay Marcelino Escalada Jr., general manager ng National Housing Authority (NHA), mas matigas ito sa hollow blocks at hindi gaanong mainit dahil insulated ang hard pressed Styrofoam. 

Pinapaspasan na rin ng NHA ang paggawa ng temporary housing sa anim na relocation sites sa Marawi at pinangako nilang puwede nang lumipat ang mahigit 1,000 pamilya bago mag-Pasko.

Inaasahan din kasi nila na matatapos ang unang batch na 1,170 unit sa Disyembre.

Sa 6,400 na pamilyang lumikas, nasa 2,400 na pamilya ang gustong makakuha ng permanenteng pabahay.

Ayon sa NHA, maaaring abutin ng hanggang dalawang taon bago makuha ang permanenteng pabahay dahil gawa ito sa kongkreto at kakailanganin ng panahon para mapatibay lalo ang estruktura.

Ang ibang bakwit, babalik na lamang sa nasirang bahay pero maaari silang humingi ng housing assistance na nagkakahalaga ng P210,000 hanggang P240,000.

Bukas naman ang PAGIBIG para sa housing o house repair loan ng mga miyembrong taga-Marawi.

Walang interes ang utang sa unang anim na buwan at papatawan lamang ng 3% interes sa ikapito hanggang ika-dalawampu’t apat na buwan ng hulog.

Pero paglilinaw ng PAGIBIG, hindi lahat ay maaaring umutang sa kanila dahil ang PAGIBIG Fund ay pribadong pondo na miyembro lang ang dapat makinabang.    

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.