Iba't ibang uri ng NBI clearance, pinag-isa na

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2017 12:56 PM

Inilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes ang isang multi-purpose clearance na pinag-iisa ang dati'y magkakaibang NBI clearance.

Dati, magkakaiba pa ang NBI clearance na gagamitin para sa mga papasok ng trabaho, mangingibang bansa, kukuha ng gun permit, business permit at iba pa.

"This is in line with the present administration ... to simplify the government process. Kasama ang NBI doon kaya ito ang resulta ng aming ginawang effort," ani Nick Suarez, public information officer ng NBI.

Laking tuwa at pasasalamat ng ilang nakapila sa punong tanggapan ng ahensiya nang multi-purpose clearance ang ibinigay sa kanila.

"Dati yung travel (clearance) ko, Taiwan. Eh napalipat akong mag-apply ng Japan, hindi ko siya magamit. Hindi katulad nito puwede ko siyang gamitin kahit saan," kuwento ni Lester Brian.

Nakapako ang multi-purpose clearance sa halagang P115, taliwas sa dating batay sa uri ng clearance ang babayaran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.