Konstruksyon ng MRT-LRT common station, aarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2017 09:07 PM

Matapos ang halos isang dekadang pagkakaantala, pinasinayanan na ng Department of Transportation (DOTr) ang Unified Central Station project na magdurugtong sa LRT 1, MRT 3, at MRT 7.

Itatayo ang P2.8 bilyon proyekto sa pagitan ng dalawang malaking malls sa north Edsa.

May sukat ang common station na 13,700 sqm. 

Ayon kay Transportaion Secretary Arthur Tugade, mas mahal ito kaysa sa orihinal na planong P1.5 bilyon noong 2009, dahil na rin umano sa pagtaas ng presyo ng mga materyales.

"Napalaki lang ngayon kasi mas malawak ang lugar at siyempre yung materyales, nag-antay lang ng isang dekada, iba na 'yung cost ng materyales," ani Tugade. 

Hindi naman ito sinang-ayunan ng militanteng grupong Bayan.

"Mistulang nagbigay ang publiko ng P2.8 bilyon na subsidy para mapagbigyan ang mga big business," ayon sa pahayag ni Bayan Secretary General Renato Reyes.

Naantala ng halos 10 taon ang proyekto dahil sa ilang legal na kontrobersyang kinasangkutan ng mga korporsyon para sa magiging pangalan ng common station.

Target naman ng DOTr na matapos ang proyekto sa taong 2020.

Tinatayang halos 500,000 pasahero ng tren araw-araw ang mapagsisilbihan nito. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.