15-talampakang sawá nahuli sa condo sa QC

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 08:37 AM

MAYNILA - Isang 15-talampakang sawá ang nahuli ng mga opisyal ng barangay sa loob ng isang condominium sa Barangay Talipapa, Quezon City, Miyerkoles ng gabi.

Kuwento ng mga awtoridad, natagpuan ng mga guwardiya at tenant ang sawá sa basement parking lot ng condominium, at saka itinawag sa kanila. 

Sa laki ng sawa, 12 tao ang kinailangang humuli rito. Agad naman itong tinalian at ipinasok sa isang lalagyan. Ito na ang ikatlong sawa na nahuli sa Barangay Talipapa ngayong taon.

"Mahirap po kasi madulas e. Kaya lang pinilit po namin kasi delikado 'yan. Puwede nang manlingkis ng bata, makapatay ng tao," ani Renato Enriquez, opisyal ng barangay.

Nakatakdang i-turn over sa Protected Areas and Wildlife Bureau ang hayop.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.