Address lang ang puwedeng takpan: CSC nagsalita sa 'redactions' sa SALN

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2017 12:28 PM | Updated as of Sep 27 2017 12:38 PM

Maaaring humarap sa ilang kasong administratibo ang mga kawani ng pamahalaan na magtatakip ng ilang impormasyon sa kanilang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth, saad ng isang opisyal ng Civil Service Commission Miyerkoles.

"Tanging ang address lamang ang maaaring takpan sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth upang protektahan ang privacy ng mga opisyal," ani Ariel Ronquillo, assistant commissioner ng Civil Service Commission.

"'Yung ibang information pertaining to the properties, dapat nakalabas po iyon... Dapat nakalagay yung acquisition cost at date of acquisition ng property na real and personal," dagdag ni Ronquillo.

Ayon kay Ronquillo, ang mga opisyal na hindi maglalahad ng kanilang buong SALN ay maaaring lumalabag sa Executive Order No.2 o ang "Freedom of Information EO" na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng batas, maaaring humarap sa mga kasong administratibo o "disciplinary sanctions" ang mga opisyal na hindi magbibigay ng impormasyong hinihingi ng publiko.

"Obligasyon hindi lang nung filer pero pati nung review and compliance committee... (na) dapat lahat 'yan transparent, dapat nakikita yan ng kung sino man mag-iinspect sa mga SALN na 'yan," dagdag ni Ronquillo.

Naging issue ang pagtatakip ng ilang detalye sa SALN matapos itiman ang ilang mahahahalagang bagahi ng SALN ng ilang miyembro ng gabinete.

Sa kopya ng SALN na ibinigay ng Malacañang sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), markado ng itim na tinta o "redacted" ang ilang detalye gaya ng pangalan ng mga anak, address at unang halaga ng pag-aari ng mga opisyal.

Depensa ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, kailangan daw protektahan ang mga "sensitibong impormasyon" na nakatala sa SALN para sa seguridad ng mga opisyal at pamilya nito.

Ngunit ayon kay Dr. Perlita Frago, assistant professor ng Department of Political Science ng University of the Philippines-Diliman, bagamat karapatan ng mga tao na ipaglaban ang kanilang “right to privacy” at “right to security”, hindi sakop ng Data Privacy Law ang mga naninilbihan sa gubyerno.

"Nakasaad din sa Data Privacy Act of 2012, nakalagay dito na ang mga nagta-trabaho sa gubyerno ay di covered. 'This act does not apply to the fact that the individual is or was an officer or employee of the government institution,'" paliwanag niya sa panayam sa DZMM Miyerkoles ng umaga.

Idiniin din ni Dr. Frago na nakasaad sa Konstitusyon na ang "public office is a public trust."