'Mga sumuporta sa P1,000 CHR budget, maaaring singilin sa halalan' | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Mga sumuporta sa P1,000 CHR budget, maaaring singilin sa halalan'

'Mga sumuporta sa P1,000 CHR budget, maaaring singilin sa halalan'

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 15, 2017 04:20 AM PHT

Clipboard

Nakatakdang humarap muli ang Pilipinas sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland sa susunod na linggo upang pormal na ipaalam kung tinatanggap nito ang mga panukala ng konseho kaugnay sa giyera kontra ilegal na droga ng administrasyon.

Inaasahang tututukan din sa universal periodic review ng Pilipinas sa susunod na linggo ang tuloy-tuloy na patayan sa kabila ng babala ng United Nations.

Ayon din sa naging rekomendasyon noon ng mga ibang bansa tulad ng Spain, Cuba, Costa Rica, at Australia, dapat anilang palakasin ng Pilipinas ang Commission on Human Rights (CHR).

Pero taliwas ito sa naging desisyon na ginawa ng Kamara noong Martes, Setyembre 12.

ADVERTISEMENT

Lumabas kasi na P1,000 lang ang halaga ng inilaang pondo para sa komisyon sa ilalim ni Pangulong Duterte.

Kasunod nito ay inulan ng batikos ang mga kongresistang sumuporta rito.

Maging ang mga hindi sumipot noong gabi ng botohan, hindi rin nakaligtas.

Ang mga kongresistang pumabor sa P1,000 pondo ng CHR, maaari umanong singilin sa susunod na halalan, ayon kay Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political and Electoral Reform.

Dagdag ni CHR Commissioner Karen Dumpit, isang "international embarrassment" ang nangyari.

Naniniwala si Dumpit na maaaprubahan din kalaunan ang panukalang pondo ng CHR na mahigit P600 milyong piso.

Nitong Huwebes, Setyembre 14, hiniling ng isang grupo ng human rights lawyers na magpatak-patak ang publiko para makalikom ng sapat na pondo para sa CHR.

Isinusulong naman ni Senador Bam Aquino ang “People's Fund” bill na nagbibigay kalayaan sa mga taxpayer na mamili kung aling ahensiya ng gobyerno mapupunta ang porsiyento ng kanilang binabayarang buwis.

Ayon sa panukala, maaaring ilaan ang 5% ng kabuuang binabayarang buwis sa CHR.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang European Chamber of Commerce of the Philippines sa sinapit ng ahensiya.

Hindi raw kasi maganda ang ipinahihiwatig sa ibang bansa ng kakarampot na budget para sa isang departamentong nagbabantay sa karapatang pantao.

Nararapat din daw na tiyaking nirerespeto ng bansa ang karapatang pantao ng mga mamamayan nito.

Pero ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, hindi naman na-"zero" ang pondo ng CHR kaya puwede pa itong madagdagan dahil hindi pa naman pasado ang panukalang 2018 National Budget.

Nagsisilbi lamang itong mensahe para sa ahensiya, ayon pa kay Diokno.

Para sa ahensiya, maliwanag na gusto lang silang patahimikin at gawing sunud-sunuran ng kasalukuyang administrasyon.

-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.