Ilang barangay sa Marilao, Bulacan, lubog sa hanggang dibdib na baha | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang barangay sa Marilao, Bulacan, lubog sa hanggang dibdib na baha

Ilang barangay sa Marilao, Bulacan, lubog sa hanggang dibdib na baha

ABS-CBN News

Clipboard

Hanggang dibdib ang lalim ng baha sa ilang barangay sa Marilao, Bulacan at nalubog sa tubig ang unang palapag ng ilang bahay nitong Martes, Setyembre 12.

Hindi bababa sa pitong barangay ang binaha sa Marilao.

Lubog din sa tubig ang bahagi ng MacArthur Highway.

Umabot din ng lagpas-tuhod ang baha sa harap ng isang mall sa MacArthur Highway kaya hindi madaanan ng mga maliliit na sasakyan.

ADVERTISEMENT

Napilitan naman ang ilang pasahero na suungin ang baha habang ang iba ay nagbayad ng P150 sa mga pedicab at bangka na magtatawid sa kanila.

Ayon sa isang residente, kahit walang bagyo, basta umulan nang malakas, tiyak na babahain na sila.

Itinuro naman ng isang pamilya kung hanggang saan umabot ang tubig nitong madaling araw ng Martes.

Anila, umabot sa dibdib ang tubig kaya sa bubungan na nila inakyat ang kanilang mga gamit.

Kuwento naman ng isang kagawad, dalawang beses biglang tumaas ang tubig sa kanilang lugar sa loob lamang ng 10 oras mula hatinggabi ng Lunes.

Paliwanag ng lokal na pamahalaan, bukod sa malakas na ulan na dala ng bagyong Maring, mababaw na rin ang Marilao River, at sinasalo rin ng ilog ang tubig na bumabagsak mula sa Montalban, Rizal at San Jose Del Monte, Bulacan, kaya mabilis bumaha.

Samantala, naiwan ang putik at basura nang humupa ang baha sa ilang barangay ng Marilao.

Pero kung magpapatuloy ang malalakas na ulan ngayong magdamag, hindi umano malayong tumaas ulit ang baha anumang oras.

Wala namang lumilikas sa mga residente sa kabila ng sitwasyon sa Marilao. Nananatili lamang sila sa ikalawang palapag ng kanilang mga tahanan.

Nakahanda na ang lokal na pamahalaan sa posibleng muling pagtaas ng tubig.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.