PAO: Dating UP student, 'tinorture' bago pinatay ng Caloocan police? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

PAO: Dating UP student, 'tinorture' bago pinatay ng Caloocan police?

PAO: Dating UP student, 'tinorture' bago pinatay ng Caloocan police?

ABS-CBN News

Clipboard

Tinorture at sinadyang patayin ang 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz na nangholdap umano ng taxi driver sa Caloocan City, ayon sa Public Attorney's Office forensic laboratory services.

"Masasabi nating execution style 'yung ginawa sa victim at very obvious yung intent to kill. Wala kaming nakita dun sa bumaril sa kanya na gusto siyang incapacitate lang," ani Dr. Erwin Erfe, hepe ng PAO forensic laboratory services.

Huling nakitang buhay ang binatilyo noong Agosto 17. Pagkatapos ng 10 araw na paghahanap, natagpuan na lang ang bangkay ni Carl Angelo sa morgue sa Caloocan.

Sa ulat ng pulisya, nangholdap si Carl Angelo ng sinasakyang taxi sa C-3, Caloocan.

ADVERTISEMENT

Nakahingi ng tulong ang driver at nang matiyempuhan ng pulis, nakipagpalitan umano ng putok ang binatilyo kina PO1 Jefrey Perez at PO1 Ricky Arquilita.

Pero giit ng mga magulang ng binatilyo, hindi holdaper ang kanilang anak. Nagtapos umano ito bilang valedictorian sa elementary, grumaduate sa isang Science high school, at nakapasok pa sa UP Diliman.

"Masakit na masakit. Mahirap tanggapin 'yung ganon," ayon sa ama ni Carl Angelo na si Carlito Arnaiz.

Biglang napauwi din mula Middle East ang overseas Filipino worker na ina ni Carl Angelo na si Eva Arnaiz. "Sa pagkakakilala ko sa kanya, hindi niya kayang gawin yun," ani Eva.

Sa tulong ng forensic experts ng PAO, lumabas na bukod sa 4 na tama ng bala sa dibdib at isa sa likod ng kanang braso, may indikasyon na tinorture o pinahirapan ang binatilyo bago binaril.

"Malalalim yung gasgas niya, kinaladkad siya, binugbog, magang-maga ang mga mata. Meron din kaming nakitang marka na siya ay pinosasan. Maraming marka ng posas sa kanan," saad ni Erfe.

Wala rin umanong indikasyon na nagpaputok ng baril si Arnaiz. Batay sa trajectory ng bala, maaaring nakaluhod o nakahiga na siya nang barilin.

Pahayag ni Atty. Persida Rueda-Acosta ng PAO, "Tayo po ay dudulog sa DOJ para magkaso ng murder. Pinatay siya ng walang kaawa-awa. Nakaposas na paano pa lalaban yan?"

Galit naman ang mga magulang ng binatilyo sa mga pulis na pumatay sa anak.

"Parang mga anak ng demonyo walang awang pumatay," ani Carlito.

"Mga wala[ng] puso po sila," ani Eva.

Nangako si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief General Oscar Albayalde ng agarang imbestigasyon sa kaso.

"They will be automatically relieved, re-assign muna natin sa PHAU (Personnel Holding ang Accounting Unit) pending investigation. Yung case na yan I think that should be given priority. Pai-imbestigahan natin sa IAS (PNP- Internal Affairs Service) 'yan."

Hawak na ng PAO forensic team ang damit ni Arnaiz at isasailalim ito sa pagsusuri.

Napatay si Carl Angelo dalawang araw matapos mapatay sa operasyon ng Caloocan police si Kian delos Santos dahil umano sa panlalaban at pagkakasangkot sa ilegal na droga.
--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.