Ama ng binatang napatay matapos mangholdap umano ng taxi, humingi ng tulong sa PAO

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2017 05:43 PM

Humingi ng tulong sa Public Attorneys Office (PAO) ang pamilya ng napatay na 19-taong gulang na lalaking nangholdap umano ng taxi sa Caloocan City.

“Pina-autopsy namin, pero Caloocan SOCO [Scene of the Crime Operatives] po. Ang gusto kong mangyari, ipa-autopsy ulit,” ayon kay Lito Arnaiz, ama ng napatay na si Carl Angelo.

Umabot ng 10 araw bago nahanap ng pamilya Arnaiz ang bangkay ni Carl Angelo, dating estudyante ng University of the Philippines, sa isang morge sa Caloocan City. 

“'Yung nakita namin sa katawan, tatlong tama, ewan ko kung bala 'yung tama sa dibdib, tatlo halos magkakadikit, tapos meron isa sa tagiliran. 'Di ako sigurado kung baril... kasi wala pang autopsy report,” sabi niya.

Huli umano nila itong nakita noong Agosto 17 ng hatinggabi sa Cainta nang magpaalam na magme-meryenda kasama ang 14-taong gulang na kaibigang hindi pa rin nahahanap hanggang ngayon.

“Kasi hindi siya makatulog nung gabi. May depression kasi siya magmula nang mag-aral siya [sa] UP. Tapos may maintenance naman siyang gamot at laging pinapa-check-up sa hospital. Matino naman siyang kausap,” sagot ng ama sa katanungan ng marami kung bakit hatinggabi nito naisipang lumabas.

Kinabukasan ay nabaril na pala ito ng mga pulis-Caloocan dahil nanlaban umano matapos mangholdap ng isang taxi driver. 

“Hindi ako naniniwala kasi kilalang-kilala ko naman ang anak ko. Hindi marunong gumamit ng baril 'yun eh. Laging nasa bahay lang siya kasi may tindahan nga siya. Tahimik lang siya,” ayon sa kanyang ama.

ISA PANG KIAN?

Ang kaso ni Carl Angelo ay ihinahalintulad sa naunang insidente ng pagpatay sa 17-taong gulang na si Kian delos Santos, na isinasangkot sa ilegal na droga.

Tulad ni Delos Santos, mga pulis-Caloocan din ang nakabaril sa kanya matapos umanong manlaban. 

May mga testigo at kuha ng CCTV naman na nagpapakitang maaring sadyang pinatay si Delos Santos noong Aug. 16. 

“Doon po sa spot report ng Caloocan police, may mga pangalan, nakipagbarilan daw kaya alam naming pulis nga ang nakapatay,” sabi ni Arnaiz sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga.

May nakita rin na ilegal na droga sa bangkay ng kanyang anak, tulad ng shabu na natagpuan naman sa bangkay ni Delos Santos.

“Shabu at marijuana, mabigat na 'yun, may baril pa,” ani Arnaiz.

Pero itinanggi nito ang paratang sa kanyang anak. Wala umano itong baril at hindi rin gumagamit ng droga.

Kung si Delos Santos ay taga-bantay ng tindahan ng kanilang pamilya, si Carl Angelo naman ay sariling negosyo ang maliit na sari-sari store sa kanilang bahay. Ang ina rin niya ay isang OFW sa Middle East, tulad ni Delos Santos.

“Ok lang naman, pareho kaming nahihirapan,” ani Arnaiz ng tanungin ang kanilang estado matapos mamatay ang kanilang anak. 

Dagdag pa ni Arnaiz, hindi na nakaabot pa ng second semester sa UP ang kaniyang anak na may kursong interior design. 

“Na-stress sa pag-aaral niya kaya nagnenegosyo na lang siya. May tindahan siya sa amin, may sari-sari store siya sa bahay,” sabi niya. 

Si Carl Angelo ay nakapagtapos sa Makati Science High School at naging valedictorian pa nung elementary. 

Patuloy pa ring ipinagtataka ni Arnaiz kung papaano napadpad sa Caloocan ang kaniyang anak.

Tiniyak naman ni PAO Chief Persida Acosta ang kahandaan nilang tumulong sa pamilya Arnaiz.

Sa parehong panayam sa DZMM, sinabi ni Acosta na hindi na autopsy ang gagawin nila sa mga labi ni Carl Angelo, kundi isang forensic analysis. Kung makapagsumite ng request ang pamilya, posibleng magawa ito kinabukasan rin.

“Kung gagawin 'yan ay forensic analysis, post-mortem ng mga sugat o injuries. Post-mortem analysis of the gunshot wounds saka mga injuries niya,” sabi ni Acosta. 

Sa Martes nakatakdang ilibing si Carl Angelo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.