Pamilya ni Kian, nagsampa na ng kasong murder sa DOJ

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 12:36 AM

Nagsampa na ng kasong murder at paglabag sa anti-torture law ang pamilya ng napatay na si Kian Loyd delos Santos sa Department of Justice (DOJ) ngayong Biyernes.

Sinampahan ng kaso sina Chief Inspector Amor Cerillo, PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz, at PO1 Jeremias Pereda kasama ang mga hindi pa napapangalanang pulis na sangkot din sa operasyon.

Ayon kay Atty. Persida Rueda-Acosta, hepe ng Public Attorney's Office (PAO), kahit wala aniya ang testimonya ng tatlong testigong nasa ilalim ng kustodiya ni Senadora Risa Hontiveros ay malakas na raw ang kanilang kaso laban sa mga pulis.

Aniya, sapat na ang mga nakuha nilang ebidensiya gaya ng testimonya ng testigong si alyas 'Choleng', ang kuha ng CCTV at resulta ng forensic examination kung saan tatlong fatal gunshot wounds ang nakita sa ulo at likuran ni delos Santos na indikasyon daw na nakasubsob na ang biktima sa putikan nang barilin ng mga pulis.

Lalo pa raw nagpalakas sa kaso ang pagnguso kahapon sa Senate hearing kay Oares na siyang bumaril, batay sa resulta ng ballistic test, ayon kay Acosta.

Pero kahit naisampa na ang kaso, muling nanawagan ang mga magulang ni delos Santos kay Hontiveros na ibalik na lang kay Acosta ang kanilang mga testigo para sa anila'y kapanatagan ng kanilang damdamin at isipan at para umusad na rin daw ang hustisya. 

Ang mga testigo rin ang tumatayong complainant sa kaso kaya dapat daw na maisumite ang kanilang testimonya sa korte kung saan sila nagsampa ng kaso, ayon kay Lorenza, ina ni delos Santos.

Nagpapasamalat naman ang mga magulang ni delos Santos na umabot hanggang Senado ang imbestigasyon sa pagkamatay ng kanilang anak, bagama't hiling ng pamilya ang mabilis na paggulong ng hustisya.

Napatay noong Agosto 16 si delos Santos, isang Grade 11 student, 
sa isang anti-drug operation sa Caloocan City. Ayon sa mga pulis, drug courier diumano ang binata.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.