Sundalong lumaban sa Marawi, patay sa pamamaril sa Zamboanga del Sur

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 08:31 PM

Patay ang isang sundalong galing sa bakbakan sa Marawi City matapos itong iulat ng mga residente na kahina-hinala at mabaril ng mga rumespondeng pulis sa Zamboanga del Sur.

Nakilala ang nasawing sundalo na si Private First Class Rudillo Bartolome, 34-anyos, mula sa 53rd Infantry Battalion ng Philippine Army. 

Ayon sa report, nagaabang ang biktima ng masasakyang van pauwi sa bayan ng Midsalip sa harap ng isang tindahan sa Barangay Monte Alegre nang dumating ang mga pulis.

Ini-report umano ang kahina-hinalang si Bartolome ng mga residente doon dahil sa haba ng bigote.

Pero ng rumesponde ang dalawang pulis na sina PO2 Ronald Zeros at PO1 Michael Bolanday ay agad na pinaputukan ang sundalo.

Ayon sa hepe ng Aurora Police Station na si Senior Inspector Roger Bartiana, nagkaputukan nang sumugod si Bartolome sa mga rumespondeng pulis.

Wala namang makapag-kumpirmang residente na armado nga ang sundalo.

'Di naman matanggap ni Metcheal Bartolome ang sinapit ng asawa.

Nagtamo ng 11 tama ng bala sa iba't-ibang parte ng katawan si Bartolome.

Unang uwi sana ito ni Bartolome simula ng magka-giyera sa Marawi City.

Bagama't hindi pa nasasailalim sa stress debriefing ang mga sundalo na nasa Marawi, siniguro naman ng 1st Infantry Tabak Division na nasa ayos si Bartolome taliwas sa mga naglalabasang balita na na-war shock ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.