Kaliwa't kanang imbestigasyon, nais ikasa dahil kay Kian

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 08:32 PM | Updated as of Aug 18 2017 10:48 PM

Nananawagan ang mga politiko na imbestigahan ang sinapit ng 17 anyos na binatilyo sa Oplan Galugad ng Caloocan, pati na rin ang madudugong operasyon kontra ilegal na droga noong mga nakaraang araw. 

Balak ni Sen. Bam Aquino na maghain ng resolusyon para imbestigahan ng Senado ang pagkamatay ni Kian Loyd delos Santos, lalo't kita sa CCTV na hindi nanlaban ang bata.

Nagtakda na rin si Senate committee on justice and human rights chair Richard Gordon ng imbestigasyon sa Agosto 22.

Iginiit naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na isama na ng Kamara ang kaso ni Kian sa mga pinaiimbestigahan niyang lumalalang insidente ng patayan noon pang isang taon sa ilalim ng kampanya kontra droga.

Nanawagan rin si Vice President Leni Robredo ng imbestigasyon sa mga napatay sa anti-illegal drug operation kamakailan lamang.

Ayon kay Sen. JV Ejercito, ang Philippine National Police ang dapat na mag-imbestiga dahil hindi dapat madamay sa kampanya ang mga inosenteng dapat napoprotektahan ng batas.

Puna ni Sen. Kiko Pangilinan, ang mga nagtutulak ng droga gaya ng mga nagpuslit ng shabu sa Customs ang dapat na hinahabol ng gobyerno, imbes na ang mga maliliit at mahihirap. 

Kinondena naman ni Sen. Leila de Lima ang tila pagkunsinte ng pangulo sa patayan.

Para kay Caloocan Rep. Edgar Erice, panahon na para magsalita ang lahat tungkol sa mga pang-aabuso sa ngalan ng kampanya kontra droga.

Tinawag namang walang puso ni Magdalo Rep. Gary Alejano si Pangulong Duterte dahil sa nangyayaring mga patayan. Nanawagan din siya sa mga pulis na huwag sumunod sa ilegal na utos para pumatay ng mga hinihinalang sabit sa droga.

Nais ni Sen. Antonio Trillanes na mag-caucus ang lahat ng senador sa Martes para magkaisa laban sa mga patayan.

Nanawagan naman si Akbayan Rep. Tom Villarin sa lahat na huwag tanggapin bilang normal ang mga patayan.

Habang ayon kay Sen. Risa Hontiveros, bayan ang nagdurusa sa diskarte ng pangulo sa war on drugs kaya dapat itong kondenahin imbes na palampasin na lang.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.