Unang bird flu outbreak sa Pilipinas, naitala | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Unang bird flu outbreak sa Pilipinas, naitala

Unang bird flu outbreak sa Pilipinas, naitala

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 11, 2017 10:30 PM PHT

Clipboard

(4TH UPDATE)-- Naitala na sa Pilipinas ang una nitong bird flu outbreak, kaya kakatayin o ika-'cull' ang daan libong mga manok upang makontrol ang paglaganap pa ng virus, ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol nitong Biyernes.

May 37,000 manok na ang namatay dahil sa Avian Influenza Type A Subtype H5 sa San Luis, Pampanga, ayon kay Piñol umaga ng Biyernes.

Anim na farms sa mga barangay na San Carlos at Santa Rita sa San Luis ang apektado ng outbreak.

Isinagawa ang pagkumpirma sa avian flu sa apat na laboratoryo. May ikalawa pang serye ng mga test para lang ma-rule out ang mas delikadong strain na H1 at H6, sabi ni Piñol sa panayam ng DZMM TeleRadyo Biyernes ng hapon.

ADVERTISEMENT

Base sa strain na nakita, hindi maaaring mahawa ang tao mula sa ibon, ayon kay Piñol. Gayumpaman, hindi ipinapayong kumain ng apektadong manok, aniya.

Naka-'quarantine' na ang mga manok sa San Luis, ayon kay Piñol, kaya kakatayin pati mga panabong at itik sa lugar, at hanggang sa mga lugar na nasa 1-kilometer radius ang layo mula sa San Luis.

Nasa 7-kilometer radius naman ang idineklarang controlled area.

Kakatayin ang lahat ng manok, pabo at iba pang ibon sa loob ng quarantined area sa loob ng tatlong araw upang makontrol ang virus. Hindi naman papayagang ilabas ang mga ibon at itlog mula sa controlled area, ayon kay Piñol.

Nasa 200,000 ang mga manok na kailangang katayin upang hindi na kumalat pa ang nakamamatay na virus.

Iniutos na rin ng Department of Agriculture na itigil na ang pagpapadala o pag-deliver ng poultry o mga ibon mula Luzon patungo sa iba pang bahagi ng bansa upang hindi na lumaganap pa ang virus.

Mukhang malakas at maayos ang kalusugan ng mga nagtatrabaho sa naka-quarantine na lugar, aniya. Mayroon ding sinusunod na protocol para sa pag-iingat.

Nagdeklara na rin ng state of calamity si Pampanga Gov. Lilia Pineda. Kapag ganito ay maaaring makapangutang ang mga residente o taga-roon para makatulong sa kanilang kabuhayan.

Ano ang epekto ng bird flu sa tao?

Ang avian influenza o bird flu ay isang impeksiyon mula sa virus na kumakalat sa mga ibon, ngunit maaari ring makaapekto sa mga tao.

Nakapagdudulot ito ng pamamaga ng mata, malalang pneumonia, at maaari ring ikamatay.

Gayumpaman, ang pakikisalamuha sa mga taong may sakit na ito ay hindi tuluyang nakakahawa.

Nilinaw ng World Health Organization na walang ebidensiyang nakukuha ang bird flu sa pamamagitan ng pagkain ng itlog o manok na niluto nang maayos.

Paano makaiiwas sa bird flu?

Nagbigay naman ng mga payo si Health Secretary Paulyn Ubial kung paano makaiiwas sa sakit na ito.

Aniya, huwag daw lumapit sa mga ibon o pumunta sa mga farm na mayroong ibon o manok.

Kung mayroon namang sintomas na lagnat na tumatagal nang mahigit tatlong araw, at kung nakararanas ng panghihina, magpatingin agad sa doktor upang malaman kung bird flu ang nasabing sakit.

Payo naman ng WHO na mag-ugnayan agad ang mga sektor na may kinalaman sa avian flu, gaya ng agrikultural, veterinary, at public health service, upang makapagpalitan agad ng impormasyon ukol dito.

Sa mga nagtatrabaho naman sa mga lugar na maaaring mapagkuhanan ng virus, magsuot ng mga protective equipment, gaya ng gloves, apron, maskara, goggles, boots, at long sleeved na damit.

Simula ng outbreak, iniimbestigahan

Nagsimula ang imbestigasyon ng outbreak noong Agosto 4, ngunit nagsimula nang mamatay ang mga pato at pugo noong huling linggo ng Abril, at mga manok noong Mayo, ayon kay Piñol.

Kinukumpirma pa ngayon kung saan nagmula ang outbreak, dahil kailangan pa nilang magsagawa ng mga test sa Australia.

Dagdag pa ni Piñol, tatlong farms ang namatayan na ng lahat ng mga alagang ibon nito, samantalang nasa 34.5 porsiyento naman ang kabuuang mortality rate sa apektadong lugar.

Nasa 90 quarantine officers naman na ang ipinadala sa lugar upang mag-imbestiga pa.

EDITOR'S NOTE:
Nililinaw natin na ito ang unang kaso ng bird flu outbreak sa Pilipinas, ayon sa awtoridad. Ang unang mga bersiyon ng ulat na ito ay nagsasabing ito ang unang kaso ng bird flu sa Pilipinas. Ngunit napag-alaman na maaaring may una nang naiulat na kaso ng avian influenza sa ating bansa.

-- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.