Pamilyang naglalakbay sa kariton patungong Bicol natulungan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pamilyang naglalakbay sa kariton patungong Bicol natulungan

Pamilyang naglalakbay sa kariton patungong Bicol natulungan

Mylce Mella,

ABS-CBN News

Clipboard

Kumalat sa social media ang larawan ng kariton ng pamilya Dela Cruz na naglalakbay patungong Bicol matapos makipagsapalaran sa Maynila. Larawan mula kay Jhun Collantes

NAGA CITY – Nakarating na dito sa siyudad Huwebes ng umaga ang isang pamilyang nakunan ng litrato na nagtutulak ng kariton sa Laguna patungong Bicol.

Sa litratong kuha ng government employee na si Jhun Collantes, makikita dito ang karitong may nakasulat na “Maligayang paglalakbay mula Maynila to Bicol” sa bahagi ng San Pablo City noong Miyerkoles.

Nasa loob ng kariton ang mag-iina ni David dela Cruz. Katulong ni Dela Cruz sa pagtutulak ng kariton si Peter Taruc.

Matapos mai-post sa social media ang litrato, natulungan din agad ang mag-anak na mablis na makarating sa Bicol sakay ng bus habang binili ng isang punong barangay sa San Pablo ang kanilang kariton.

ADVERTISEMENT

Kuwento ni Dela Cruz, cigarette vendor ang kaniyang asawang si Janine habang nangangalakal naman siya. Ito ang ipinambubuhay nila sa kanilang tatlong maliliit pang mga anak.

Kumalat sa social media ang larawan ng kariton ng pamilya Dela Cruz na naglalakbay patungong Bicol matapos makipagsapalaran sa Maynila. Larawan mula kay Jhun Collantes

Pero naging mapait ang kanilang karanasan sa Maynila kaya’t nagdesisyon ang pamilya na umuwi na lamang sa lugar ni Janine.

“Mahirap sa Maynila dahil gabi-gabi lagi kaming pinupuntahan ng mga pulis o kaya mga barangay, mga MMDA [Metropolitan Manila Development Authority]. Nakiusap sila sa amin na mag-ibang lugar na lang. Nung andoon kami sa ilalim ng tulay, nakita na naman kami ng MMDA, giniba 'yung kariton namin, pinagwasak-wasak, pinagmamaso-maso. Pati paninda kinuha. Pati pera kinuha dahil katwiran utos daw ng ating pamahalaan,” kuwento ni Dela Cruz.

Ayon naman kay Janine, ayos lang kahit mahirap basta magkakasama.

“Kasi pagka-nakita ka ng MMDA may kasunod na grader, babatakin ka na lang. DSWD [Department of Social Welfare and Development] hiwa-hiwalay kayo sa Boys’ Town. Mga akin (anak) ihihiwalay sa iyo. Kayong mag-asawa hiwalay din, kulong. Mas magandang dito na lang. Mahirap, pero ok lang magkasama,” paliwanag niya.

Kahit hirap at kapos sa buhay, ‘di umano naisip ng mag-asawa na gumawa ng masama para lang makaraos sa araw-araw.

“Mahirap kasi kung paiiksiin mo ang mundo mo. Maganda 'yung malawak ang ginagalawan. ‘Di bale nang mahirap ‘wag ka lang gagawa ng ‘di maganda,” dagdag ni Janine.

Sa katunayan, nakuha pa ng mag-asawang ampunin ang 40-taong gulang na si Taruc na taga-Puerto Princesa na kapwa nila street dweller.

Dalawang linggo na silang naglalakbay at mas matatagalan pa sana sila bago makarating sa Naga kung hindi sila natulungan.

Hindi ito ang unang pagkakataong naglakbay ng malayo ang mag-asawang David at Janine. Noong 2014, inabot ng isa at kalahating buwan ang kanilang biyaheng kariton mula Bicol papuntang Maynila.

Sa ngayon, pansamantalang mananatili ang mag-anak sa isang farm sa Naga City dahil sa alok na trabaho ng isang negosyante na humanga sa pagpupursigi ng pamilya.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.