Hepe ng pulis, hinamon ang 'Ozamiz raid survivor' na magsabi ng totoo | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Hepe ng pulis, hinamon ang 'Ozamiz raid survivor' na magsabi ng totoo

Hepe ng pulis, hinamon ang 'Ozamiz raid survivor' na magsabi ng totoo

ABS-CBN News

Clipboard

Nanindigan si Ozamiz City Police Chief Insp. Jovie Espenido na ang mga Parojinog ang naghagis ng granada sa isinagawang raid ng pulisya noong madaling araw ng linggo, Hulyo 30.

Hinamon din niya ang survivor na si alyas 'Cesar' na magsabi ng totoo sa alegasyon nitong sadyang pinatay sina Mayor Reynaldo "Aldong" Parojinog at mga kaanak.

Sa pahayag ni alyas Cesar, isang survivor sa isinagawang raid sa bahay ni Mayor Parojinog, kitang-kita umano niya kung paanong hinagisan ng granada at binaril ang mayor at kanyang asawa.

Kuwento niya sa kaanak ng mga Parojinog na si alyas ‘Nimfa’, pinadapa sila pagdating ng mga pulis at pinababa papunta kina mayor. Pagdating nina mayor, doon na umano sila inipon at pinadapa siya sa harap ng alkalde.

ADVERTISEMENT

Nagulat na lang daw siya nang maya-maya lumabas ang mga pulis at may naghagis ng granada at tinamaan siya.

Pero ayon kay Espenido, ang mga Parojinog ang naghagis ng granada. Patunay pa nga umano ang narekober na safety pin sa kamay ng isa sa mga ito.

Ayon kay alyas Cesar, nakita rin niyang binaril nang malapitan sina Mayor Parojinog at asawa nito.

“Pagkakita ni board member na parang babarilin na si mayor, nilapitan niya parang niyakap na lang niya. ‘Yun na nga binaril ‘ata si board member tapos namatay na. Tapos binaril si mayor, tas hinagisan na sila ng granada,” ani alyas Nimfa.

Sagot naman ni Espenido, madilim ang lugar nang mangyari ang raid at hindi na umano nila matatantiya kung binaril nang malapitan ang mga biktima.

Dagdag pa ni alyas Cesar, nakaligtas siya nang ipahid ang dugo ni Mayor Aldong sa kanyang katawan at may tatlong oras din siyang nagpatay-patayan. Sumikat na ang araw nang lumabas siya at humingi ng tulong sa mga nakaabang na rescuers sa labas ng bahay.

Sa 15 patay, walo lamang ang na-autopsy ng Philippine National Police Crime Laboratory kabilang ang lahat ng mag-anak na Parojinog, 13 lang ang na-paraffin test maliban kina Mona at Susan Parojinog.

--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.