9 na mahahalagang punto mula sa West PH Sea ruling | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

9 na mahahalagang punto mula sa West PH Sea ruling

9 na mahahalagang punto mula sa West PH Sea ruling

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 16, 2016 09:56 AM PHT

Clipboard

MAYNILA - Nagbunyi ang mga Pilipino sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) pabor sa Pilipinas sa isyu sa West Philippine Sea.

Bagaman at matatawag itong tagumpay, may mga ekspertong nagsasabing hindi dito natatapos ang laban.

Narito ang ilang mahahalagang punto mula sa desisyon ng PCA at ang mga implikasyon nito, mula sa pagsusuri ng mga eksperto:

ADVERTISEMENT

1. Magkaiba ang South China Sea at West Philippine Sea

Hindi ito mismong kasama sa desisyon, pero mahalagang maipunto sa publik para sa konteksto.

Ayon kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, tumutukoy sa West Philippine Sea sa karagatang nasa hurisdiksiyon ng Pilipinas.

Kabilang aniya rito ang territorial sea, exclusive economic zone at extended continental shelf ng Pilipinas.

Pagliliwanag ni Carpio, hindi inaangkin ng Pilipinas ang buong South China Sea at idinulog lang ng bansa sa international courts ang maritime rights nito sa West Philippine Sea.

Ginagamit aniya ang West Philippine Sea pag patungkol sa pinagtatalunang teritoryo ng Pilipinas at Tsina.

South China Sea naman ang dapat gamitin kapag patungkol sa karagatang pinagtatalunan ng Tsina at iba pang bansa sa Timog-Silangang Asya.

"If you’re talking about the entire dispute of China, Vietnam, Malaysia, Brunei, you have to use 'South China Sea'," ani Carpio.

2. Walang batayan ang nine-dash line ng Tsina

Kulay pula ang nine-dash line sa mapa na ito. Inaangkin ng Tsina ang nasa loob nito.

Marahil isa mga pinakaipinagbunyi ng mga Pilipino ay ang bahagi ng desisyon na sinasabing walang batayan ang historical claim ng Tsina sa South China Sea.

Ito ay dahil sa nine-dash line, o ang katubigan sa loob ng linyang nakamarka sa isang lumang mapa ng Tsina, nakabatay ang karamihan sa mga inaangkin nitong bahagi ng dagat.

Paliwanag ni Kabayan Party-list Rep. Harry Roque, isang eksperto sa international law, sinasabi sa ruling na hindi tugma ang historical claim ng Tsina sa mga probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Mahalaga aniyang naipunto ng tribunal na sa pagpirma at pagratipika ng Tsina sa UNCLOS noong 1980's ay tinalikdan na nito ang kanyang historical claim sa mga teritoryo.

"Countries that have ratified the UNCLOS are deemed to have waived these historic claims on waters," aniya.

Ibig sabihin, walang karapatan ang Tsina na angkinin ang mga pinagtatalunang bahagi ng South China Sea dahil sa giit nitong "nine-dash line."

3. Pero hindi natatapos ang usapin ng teritoryo

Maritime rights at hindi soberanya ang dinesisyunan ng tribunal. Ibig sabihin, tuloy pa rin ang pagtatalo sa teritoryo.

Paliwanag ni Justice Carpio, kabilang sa maritime rights ang karapatan sa mga likas na yaman sa West Philippine Sea.

"The arbitration is about maritime dispute. It does not involve sovereignty dispute, land territory. It only involves rights to the sea, to the waters and the resources in the waters," aniya.

Inisa-isa naman ni Fr. Ranhilio Aquino, Dekano ng San Beda School of Law, ang kabilang sa maritime zones natin.

Una, ang territorial sea na nasa 12 nautical miles mula sa baybayin; ikalawa, ang contiguous zone na nasa 24 nautical miles mula sa baybayin; at ang exclusive economic zone (EEZ), na nasa loob ng 200 nautical miles mula sa baybayin.

Partikular aniyang hiniling ng Pilipinas sa tribunal na pagtibayin ang karapatan ng mga Pinoy na makinabang sa likas na yaman sa EEZ na inaangkin ng Tsina sa West Philippine Sea.

Kung gusto umano ng Pilipinas igiit ang soberenya sa isang teritoryo sa West Philippine Sea, hindi sa PCA, kundi sa International Court of Justice ito dapat idulog.

"This decision did not settle any claims to territory. See, it cannot, because this is under the United Nations Convention on the Law of the Sea. Now, when you are raising territorial claims, you are raising sovereignty claims, idulog mo 'yan sa International Court of Justice hindi sa PCA."

4. Malinaw na ang mga sakop ng EEZ ng Pinas

Reklamasyon ng Tsina sa Mischief Reef. Photo Credit: CSIS Asia Maritime Transparency Initiative / DigitalGlobe

Malinaw nang bahagi ng EEZ ng Pilipinas ang Mischief Reef, Second Thomas Shoal (Ayungin Shoal), at Reed Bank (Recto Bank).

Ito ay matapos sabihin ng tribunal na low-tide elevation lamang ang mga ito na nasa loob ng 200 nautical miles ng karagatan mula sa baybayin ng Pilipinas.

Ibig sabihin, eksklusibong may karapatan ang Pilipinas sa mga likas na yaman sa bahaging ito ng dagat.

Ang problema, may mga istrukturang Tsino na sa isinagawang malawakang reclamation sa Mischief Reef.

At kahit pagkatapos ng desisyon ng international court, may sinubok pang dalawang airfields doon.

Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Chito Sta. Romana, dating hepe ng ABC News Beijing Bureau, tagumpay pa rin ang bahaging ito ng desisyon.

"Mischief reef, I think is the most significant item here because this was the start of the dispute between the Philippines and China," aniya.

"Now, it's been resolved, that its part of our EEZ -- a position which the Philippines has taken for a long time but which the Chinese did not recognize and will still not recognize. But at least we have now a legal document to backup our position," dagdag pa nito.

5. Bato, hindi isla: mali ang Tsina

Reklamasyon ng Tsina sa Johnson Reef. Photo Credit: CSIS Asia Maritime Transparency Initiative / DigitalGlobe

Iginiit ng Tsina na mga isla at may sariling EEZ sa paligid ang ilang bahura sa West Philippine Sea. Pero ang sabi ng arbitration, bato lamang ang mga ito.

Kabilang sa mga bahurang ito ang Gaven Reef, McKennan Reef, Johnson Reef, Cuarteron Reef, at Fiery Cross Reef.

"The Chinese look at Spratly's like an archipelago and they claim that all these features are entitled to 200 miles by drawing a line over them so that we have overlapping EEZ's. That has been totally demolished," ani Sta. Romana.

Paliwanag ni Eman Kraft, associate professor ng political science sa UP, isa sa mga mababago ng desisyon na ito ay ang idea ng free passage sa naturang bahagi ng karagatan.

Sabi ni Kraft, kung sinabing mga isla ang mga bahurang nabanggit at may sariling EEZ ang mga ito, hindi basta-basta makakapaglayag nang malaya ang mga sasakyang pandagat doon.

"So in other words, this creates a certain situation where freedom of navigation, even for military warships is given free reign by that decision," aniya.

6. Paano na ang Scarborough Shoal (Panatag Shoal)?

Walang isang bansang puwedeng magsabing sila lang ang puwedeng mangisda sa Scarborough Shoal na isang "traditional common fishing grounds."

Paliwanag ni Carpio, ito ay dahil bagaman at sakop ng EEZ ng Pilipinas ang Scarborough ay may "land features" ito.

Sa usapin ng "land territories," wala aniyang hurisdiksiyon ang tribunal. Pero meron itong hurisdiksiyon sa katubigan sa paligid nito.

"We asked the tribunal to rule that the Scarborough Shoal as a land territory can generate only 12-nautical mile territorial sea and not an EEZ of 200 nautical miles," ani Justice Carpio.

Dahil "traditional fishing grounds" ang katubigan sa Scarborough Shoal, parehong maaaring mangisda ang Tsina at Pilipinas, o kahit ang ibang bansa dito.

"The tribunal did not only say that it is the traditional fishing ground of Filipino and Chinese fishermen but the tribunal also said that it is the traditional fishing ground of other countries. Everybody should be free to fish there. That’s actually the ruling of the tribunal," aniya.

Gayunman, Pilipinas ang pinakamalapit na bansa sa Scarborough Shoal, isang bagay na ikinaangat ng bansa sa ibang gustong mangisda doon.

7. Maraming yamang makukuha sa 'EEZ' ng Pinas

Umaabot sa kabuuang 381,000 square kilometers ang EEZ ng Pilipinas, ayon ay Justice Carpio -- katubigang mas malaki pa sa aabot na 300,000 square kilometers na land area ng Pilipinas.

Bahagi nito ang Reed Bank, na ayon kay Justice Carpio, bukod sa mga isda ay mayaman rin sa langis.

"It’s bigger than the land area of the Philippines and included in that maritime space are the fish, oil, gas and mineral resources. That’s what’s in dispute in our EEZ,"

Paliwanag pa ni Carpio, 40% ng energy requirement sa Luzon ay mula sa Malampaya na mauubusan na ng langis sa loob ng may 10 taon.

Dahil dito, kailangan na aniya ng gobyerno galawin agad at paunlarin ang Reed Bank na nasa tabi lang ng Malampaya.

"It’s the future of energy source, the future of our food source and the future probably of new forms of energy – methane hydrates, which according to some estimates, the methane hydrates in the South China Sea could power the economy of China for 300 years," ani Carpio.

"We are talking of a lot of mineral resources here in the seabed of our EEZ," dagdag pa nito.

8. Ilang karapatan ng Pinas sa 'EEZ' ang nalabag ng Tsina

Sabi ng tribunal, nakasagabal ang Tsina sa mga aktibidad ng Pilipinas sa EEZ nito gaya ng pangingisda at pagkuha ng langis.

Gayundin, nakasagabal ang mga istrukturang itinayo ng Tsina sa artificial islands na ginawa nito sa mga bahura sa West Philippine Sea.

Hindi rin umano nagawa ng Tsina, ayon sa tribunal, na pigilan ang mga Tsinong mangingisda na makapasok sa EEZ ng Pilipinas.

Dagdag pa ng tribunal, nagkabanta sa yamang dagat sa West Philippine Sea ang reklamasyon ng Tsina doon, pati na rin ang pangunguha ng coral reefs at iba pang endagered species sa lugar.

"It's not about the structure itself that violates the right but it insofar the structure that interferes with the rights of the Filipino fishermen and the exploration of our resources that deals with the sovereign rights," paliwanag ni Fr. Aquino.

Malaking tanong naman para kay Kraft ang tanong ng kung sino ang mangangasiwa sa mga pagalabag ng karapatan sa traditional fishing grounds lalo't hindi kasama ito kasama sa EEZ ng Pilipinas.

"Part of the problem there of course is who's now in charge of actually overseeing things like for instance protection of the corals there, you know, and those kinds of issues," aniya.

"We're just talking about fishing, right, but you also have to take into consideration the environmental conditions there," dagdag pa nito.

9. Paano ipatutupad ang ruling?

Walang "international sheriff" na nagpapatupad ng international rulings, ayon kay Fr. Aquino. At sa halip, pahalang aniya ang direksiyon ng usapan -- ibig sabihin, estado sa estado.

"In the international community, there is no such thing as international sheriff and international police," aniya. "In other words, 'yung mga estado mismo na nakilahok sa isang tribunal, sila ang magpe-pressure doon sa state, in which case, China, to comply with international law."

Sa kabila ng paulit-ulit na pagdidiin ng Tsina na hindi nito kinikilala ang desisyon ng tribunal, oportunidad ang nakikita dito ni Justice Carpio.

Aniya, magandang makusap ng Pilipinas ang iba pang bansang may inaangkin sa South China Sea at saka tayo makipag-usap sa Tsina.

"As I said, we will have consultations with our ASEAN friends, those who are also prejudiced by the nine-dash lines but they are now free from the nine-dash lines. We consult our friends and allies and then we talk to China," aniya.

Sa kaso naman ng Reed Bank na malinaw na nasa EEZ ng Pilipinas, dapat maglabas ng pahayag ang gobyerno bago magpadala ng mga barko doon.

"The ruling says the Reed Bank is ours. We will send there our survey ships again and please don't harass them anymore," aniya.

Sa Scarborough Shoal naman, dahil ito ay isang common fishing ground, dapat makipag-usap umano ang Pilipinas sa Tsina para makapaglatag ng mga gabay sa pangingisda dito.

"Let's come out with a code of conduct. Let's sit down with them first because the tribunal said it's common so we have to lay down the rules for common use so there will be no skirmishes, no fighting by fishermen," ani Carpio.

Mula sa panayam ng ANC kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa programang '"Headstart"; kina Harry Roque, Chito Sta. Romana at Eman Kraft sa "Beyond Politics"; at sa panayam ng DZMM kay Fr. Ranhilio Aquino, Dekano ng San Beda Graduate School of Law sa programang "Failon Ngayon."

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.