Lalaking pinatay sa Bulacan inaalam kung sangkot sa masaker sa mag-iina

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 01:17 PM | Updated as of Jul 04 2017 09:05 PM

Hinihinalang pinatay sa sakal sa pamamagitan ng pump belt si alyas Inggo. Doland Castro, ABS-CBN News

MAYNILA - (UPDATED) Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte, Bulacan, Martes, alas-6:30 ng umaga.

Kinilala ang biktimang si alyas "Inggo" na nakitang patay at walang pang-itaas na damit sa ilalim ng puno sa Palmera Drive Road.

May pump belt ring nakatali sa leeg ng biktima at meron pang karatulang nagsasabing "Addict at Rapist ako Huwag Tularan."

Kinumpirma ni Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose del Monte Police, na si alyas "Inggo" nga ang nakitang bangkay.

Dagdag pa niya, namatay sa saksak si alyas "Inggo."

Idinadawit ng suspek na si Carmelino Ibañez si alyas "Inggo" sa masaker ng mag-iina sa lugar.

Una nang sinabi ni Ibañez na isa siya sa pumatay kina Estrella Carlos, sa tatlong anak nito, at sa biyenan nitong si Auring. 

Sa pahayag sa media, inamin ng suspek na kanyang ginahasa si Estrella at Auring, pero binawi niya ito sa opisyal niyang pahayag.

Bukod kay alyas "Inggo," person of interest din ang idinadawit ni Ibañez na si alyas "Tony," na ayon sa pulisya ay sumuko na sa kanila.